PAALALA NG COMELEC SA MGA KANDIDATO NGAYONG KAPASKUHAN: BAWAL ANG MAGREGALO

COMELEC-2

PINAALALAHANAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato kaugnay sa pamimigay ng aginaldo o regalo ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Para sa Comelec, ang  pamimigay ng regalo ay maituturing na premature campaigning at puwedeng maging sanhi ng diskuwalipikasyon ng isang kandidato.

Inulit ni Comelec Spokesman James Jimenez na para sa mga tumatakbo sa national position tulad ng mga senador at partylist groups, ang panahon ng kampanyahan  ay  magsisimula  pa sa Pebrero.

Ang mga kandidato sa pagkakongresista at lokal na posisyon  ay magsisimula namang mangampanya sa buwan ng Marso.

Sa kasalukuyan ay kabi-kabila ang mga Christmas party, reunion at iba pang pagtitipon at kadalasan ay hinihingian ng mga pang-raffle ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod.

Gayunman,  aminado ang opisyal na hindi naman nila kayang subaybayan ang lahat ng mga reklamo kaugnay sa premature campaigning ng mga kandidato.

Magsisimula sa  Enero 13, 2019 ang election period at kasama na rito ang pagpapatupad ng gun ban.

Pinag-aaralan na  rin ng Comelec ang pagli­mita sa social media exposure ng mga kandidato.

Nakatakdang isapubliko ng Comelec ang opisyal na talaan ng mga kandidato para sa 2019 midterm elections. AIMEE ANOC

Comments are closed.