PINAALALAHANAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga bagong halal na opisyal na huwag kalimutang maghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkoles, Hunyo 8, 2022.
Ito’y upang maiwasan na maantala ang pag-upo ng mga ito sa puwesto.
Sa isang pahayag, sinabi ni Año na ang mga newly-elected official (NEO) ay hindi nila pahihintulutang manumpa sa tungkulin hangga’t hindi pa sila nakakapagsumite ng kanilang SOCE sa Comelec.
“It’s plain and simple: No SOCE, no oath taking for NEOs. We encourage our NEOs to start their term right by complying with the provisions of the law and submitting their SOCE to the Commission on Elections (Comelec) on or before June 8, 2022,” ayon kay Año.
Matatandaang kailangang iulat ng mga kandidato sa kanilang SOCE ang cash at in-kind contributions na natanggap nila mula sa political party at iba pang sources, gayundin ang kanilang mga ginastos sa kampanya.
“Sana po ay simulan ninyo ng tama ang inyong mga termino. Comply with your legal obligation as enshrined in our Constitution,” paalala pa ng kalihim.
Una nang sinabi ng Comelec na may katapat na parusa ang hindi paghahain ng SOCE, isang buwan matapos ang halalan.
Anang Comelec, manalo man o matalo, o kahit nag-withdraw pa ng kandidatura ang isang kandidato, ay kailangan pa rin niyang maghain ng SOCE sa komisyon. EVELYN GARCIA