(Paalala ng DMW) WALANG PLACEMENT FEE SA PINOY WORKERS SA QATAR

IGINIIT ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes na hindi dapat pagbayarin ng placement fees ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa Qatar.

Binigyang-diin ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac ang “no placement fee policy” kasunod ng mga report na pinagbabayad ng fees para sa deployment ang aspiring overseas workers.

“Kung ang tawag diyan ay processing fee, kahit ano pang tawag diyan, pero ang purpose ay para bayaran ‘yung agency sa kanyang serbisyo. Or kita ng agency sa pagbigay niya ng serbisyo, ‘yan ay bawal,” pahayag niya sa Kapihan sa Bagong Pilipinas.

Ipinaliwanag niya na ang polisiya na pinagtibay ng Pilipinas at Qatar ay “employer-based principle”, na nangangahulugan na ang fees ay sasagutin ng employers.

“So whatever the name of the fee… if it is along those same lines and purpose, it’s illegal and we will run after the agencies that charge those fees,” ani Cacdac.

Ang polisiya ay alinsunod sa Article 33 ng Qatar Law No. 14 of 2004, na nagbabawal sa “entities licensed to recruit workers from abroad from collecting any sum for recruitment fees, expenses or other associated costs.”

Nakasaad din sa batas na ang Qatar ay isang non-placement fee labor-receiving country.

Ayon kay Cacdac, napagkasunduan ng dalawang bansa ang polisiya sa isang Joint Committee Meeting noong Agosto.