(Paalala ng DOH) DADALO SA INAGURASYON NI BBM MAG-FACE MASK

NAGPAALALA  si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa mga dadalo sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsuot ng face mask at sumunod sa minimum health protocols.

Ito ay sa gitna ng unti-unting pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Duque na napatunayan sa mga nagdaang malalaking pagtitipon na mabisa ang pagsusuot ng face mask para maiwasan ang hawahan ng COVID.

“As we have always reminded the public, ‘yung minimum public health standards, kung sino man ang pupunta doon, mag-mask tayo,” pahayag pa ni Duque.

“Ang dami nang superspreader events na nagdaan. Nag-reflect ba sa number of cases? Wala. Hindi naman. Hopefully dahil ang mga tao marunong na, tama ang pagsuot ng mask, para maiwasan natin. So ipagpatuloy po natin ‘yung best practice natin,” dagdag ng kalihim.

Nasa 14 na lugar sa Metro Manila ang nakapagtala ng pagtaas ng positivity rate at lumagpas sa itinakdang benchmark ng World Health Organization, ayon sa OCTA Research group.

Tiniyak naman ni Franz Imperial, isa sa mga namumuno sa komite sa inagurasyon ni Marcos Jr. na ito ay solemn at simple.

“The program we have prepared is very solemn and simple. It would be very traditional dahil sabi nga ni BBM sa vlog niya, ‘hindi kami lilihis pa sa tradisyon,’” anito.