PAALALA NG DOST SA PUBLIKO: MAGING HANDA SA EL NIÑO

El Niño-1

PINANGANGAMBAHANG lubusang maramdaman na sa huling linggo ng Pebrero o sa Marso ang epekto ng El Niño sa bansa

Ito ang  pahayag ng  Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) matapos magpalabas ng Advisory No. 1 ukol sa El Niño base na rin sa masusing pagmo-monitor  ng ahensiya.

Sa panahon ng El Niño,  ang temperatura kapag summer ay maaring umabot sa 40.7 degrees,  partiku-lar sa Tuguegarao, Caga-yan habang sa Metro Manila ay maaring makaranas ng  mataas na temperatura sa 38.2 degrees.

Ayon kay DOST Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change Renato Solidum, kailangan ng  matin­ding paghahanda ng publiko sa epektong idudulot ng papasok na El Niño.

Aniya sa loob ng Marso hanggang Hunyo magtatagal ang tagtuyot makaraang matuklasan ng mga ek-sperto na nagsimula nang magbago ang temperatura sa Dagat Pasipiko kaya inalerto na ng Pagasa ang publiko.

Napag-alamang ilang lugar na sa iba’t ibang panig ng bansa ang napaulat na hindi pa rin nakararanas ng pag-ulan  na  maaaring makaapekto sa mga dam. Payo sa  publiko na magtipid-tipid muna sa paggamit ng tubig.

Inaasahang tatamaan ang iba’t ibang probinsiya ng dry condition o dalawang buwang magkakasunod na hindi makararanas ng pag-ulan habang ang iba naman ay magkararanas ng dry spell o ang tatlong bu-wan namang walang ulan sa kanilang mga probinsiya na dulot ng El Niño.

“Next month mabubuo na ang El Niño kaya ngayon pa lamang ay pinaaalalahanan na namin ang publiko lalo na ang sektor ng agrikultura na mag­handa at piliing mabuti ang mga itatanim,” pahayag ni Solidum sa isang press conference.

Aniya, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng cloud seeding katuwang ang Department of Agri-culture (DA) kung saan nabatid na sa bahagi ng Bohol isang dam ang nanganganib na magkaroon ng kakulangan ng supply ng tubig dulot ng panahon ng tagtuyot.

Tinukoy naman ang ilang probinsiyang nakararanas ng dry condition katulad ng Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Tawi-Tawi, habang may dry spell naman sa Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Maguindanao, Sulu at nakararanas naman ng drought o tagtuyot ang Ilocos.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.