(Paalala ng DSWD)WALK-IN BAWAL NA SA PAMAMAHAGI NG EDUCATION AID

BAWAL na ang ‘walk-in’ sa susunod na pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng educational assistance sa mahihirap na estudyante.

“No. Kasi ‘pag nag-walk in po magkakaproblema na naman po tayo. ‘Yun po ang mahigpit na instruction, this will be the difference,” wika ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa isang press conference nang tanungin kung tatanggapin pa ang mga walk-in sa pamimigay ng cash aid.

Sinabi ni Tulfo na ang mga nais makatanggap ng educational assistance ay maaaring magrehistro online o mag-email sa [email protected].

Maaari rin aniyang bisitahin ang DSWD website at kanilang social media accounts para sa detalye.

“Aside from online, puwedeng QR code, puwedeng text kung hindi smartphone ang gamit nila, sasagutin naman namin. There is no more reason na sabihin nilang wala kaming cellphone. Tapos ‘yung mga anak nila nag-online naman last year, e ‘di magpaturo po sila sa anak nila o ‘yung anak nila ang magregister. Madali lang po kaming hanapin, pupunta lang po sa website ng DSWD at d’un nila makikita ‘yun,” ayon pa kay Tulfo.

Ang mga aplikante na nagparehistro ay makatatanggap ng text message mula sa DSWD para ipaalam kung kailan sila pupunta sa payout sites na tutukuyin ng local government units.

Ang mga benepisyaryo ay tatawagan sa alphabetical order.

“Pipiliin namin alphabetical, siguro this coming Saturday ‘yung mga apelyido na nagsisimula sa letrang A hanggang F so ‘yun muna ang ia-accommodate natin for this coming Saturday, nationwide ‘yun,” sabi pa ni Tulfo.

Magpapatuloy ang pamamahagi ng education aid sa mahihirap na estudyante sa darating na Sabado, Agosto 27.