(Paalala ng EPD) PAG-POST NG LOKASYON SA SOCIAL MEDIA IWASAN

PINAALALAHANAN ng Eastern Police District ang publiko na iwasang mag-post ng mga real-time na larawan at lokasyon sa kanilang mga social media account para sa seguridad habang nagpapahinga ngayong Semana Santa.

“Naglabas kami ng mga hakbang at paalala para sa kaligtasan ng lahat,” ani EPD Director BrigGen. Wilson Asueta.

Pinaalalahanan din ni Asueta ang publiko na aalis ng kanilang mga bahay para sa Semana Santa na tiyakin na nakakandado ito.

“Siyempre, ang concern namin is to ensure that no untoward incident happens–walang burglaries. Alam naman natin na maraming pumupunta sa probinsya o magbabakasyon tuwing Holy Week,” dagdag ni Asueta.

Aniya, handa na ang EPD ngayong Semana Santa.

Nauna nang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Jose Melencio Nartatez Jr. na naka-heightened alert ang mga pulis sa Metro Manila tuwing Semana Santa.

Ima-maximize din nila ang paggamit ng kanilang resources, equipment, logistics gayundin ang kanilang mga tauhan para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Semana Santa.

Sinabi ng hepe ng NCRPO na hindi bababa sa 12,000 pulis ang ipapakalat sa Metro Manila sa panahon ng Kuwaresma.
ELMA MORALES