Pinaalalahanan ng mga obispo ng Simbahang Katolika ang publiko na gawing taimtim ang paggunita ng Undas at ipagdasal ang kanilang mga yumao.
Ang paalala ay ginawa nina Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco sa paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day ngayong weekend.
Sinabi ni Pabillo na ituturing ng mga mananampalataya ang Undas na isang taimtim na selebrasyon ng pag-alala sa buhay ng mga yumao at mag-alay ng panalangin sa mga santo ng Simbahang Katolika.
“Para sa ating mga Katoliko, isang malaking pagkakataon din ito na tayo’y makapagsimba upang magdasal para sa mga yumao natin at ganundin upang tayo ay makapagdasal sa sementeryo para sa mga mahal natin sa buhay, alam po natin na hindi napuputol ang ating relasyon sa mga nauna sa atin dahil lang sa kamatayan, mas malakas ang pananampalataya at pag-ibig kaysa kamatayan, kaya kahit na sila’y wala na, may koneksyon pa tayo sa kanila, sa pamamagitan ng ating pagdadasal para sa kanila,” pahayag ni Pabillo sa church-run Radio Veritas.
Ipinaalala naman ni Ongtioco sa mamamayan na panatilihing banal ang panggunita sa Undas.
Hinimok niya ang mga mamamayan na huwag kalimutang mag-alay ng panalangin para sa yumaong mahal sa buhay, sa mga santo at sa mga hindi na naalalang kaluluwa.
Dagdag na paalala ng Obispo na gamitin ng mga mananampalataya ang panahon ng Undas upang patuloy na mapatibay ang pananampalataya at mangumpisal sa mga kasalanan.