MAHIGPIT ang bilin ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng kandidatong nangangampanya para sa gaganaping eleksiyon sa Mayo na bawal mamigay ng pagkain at anumang bagay.
Ginawa ng PNP ang bilin sa harap na rin ng nanatiling coronavirus pandemic.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col Jean Fajardo, maituturing na election offense ang pamimigay ng pagkain, tubig at anupamang items sa mga lugar kung saan gaganapin ang pangangampanya ng mga kandidato.
Sisiguruhin din ng PNP na walang magkukumpulan o overcrowding sa mga pagdarausan ng pangangampanya dahil kailangan masunod ang minimum public health standards.
Kung sakali naman daw na may mahuling lumabag sa mga panuntunan sa pangangampanya idadaan ito ng mga pulis sa mahinahong pakikipag-usap dahil ang bilin ni PNP Chief General Dionardo Carlos ay pairalin palagi ang maximum tolerance.
Sinabi pa ni Fajardo na mahalaga na makipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) ang mga kandidatong magsasagawa ng pangangampanya sa isang lugar upang mapaalalahanan sila ng mga patakaran sa pangangampanya ngayong may pandemya. REA SARMIENTO