“KALMA lang po tayo.” Ito ang panawagan ni Senador Bong Go sa publiko sa kabila ng pagdedeklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ng National Health Emergengy at ‘Code Red Level 1’ ng Department of Health (DOH) dahil sa COVID-19.
Ang paghikayat ni Sen. Go ay kanyang ginawa makaraang makumpirma na anim na Pinoy sa bansa ang dinapunan ng virus.
Si Sen. Go ang chairman ng Senate Committee on Health, katuwang niya ang DOH na nagrekomenda at humiling sa Pangulong Duterte na mag-deklara ng National Health Emergency na kinatigan naman ng Punong Ehekutibo.
Sinabi ng senador, hindi dapat mag-panic ang publiko dahil ginagawa naman ng DOH at iba pang ahensiya ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang hindi na lumala at kumalat pa sa ibang panig ng bansa ang nasabing virus.
“Iwasan lang po nating magtanong sa mga tao na wala namang alam sa virus na ito dahil baka mali-mali ang magiging payo nila sa inyo” sabi ni Sen. Go.
“Huwag din po tayong mag-panic buying dahil ‘yung makikita sa inyo ay baka gumawa na rin sa inyo ang iba at ang resulta ay ubos ang lamang ng mga tindahan,” dagdag pa ni Go.
Ayon pa sa mambabatas, mag-ingat at maging malinis ang bawat isa para hindi kapitan ng nasabing virus.
“Kung hindi naman importante na pumunta sa mataong lugar, iwasan na rin ito”, paalala pa ni Sen.Go.
Comments are closed.