(Paalala ni PBBM sa mga sundalo) ‘WAG MAGPADALA SA INGAY NG PULITIKA

PINAALALAHANAN ni Pangulong Bong Bong Marcos ang mga sundalo na huwag magpadala sa nagaganap na ingay ng pulitika.

Inihayag ito  ng Pa­ngulo nang bumisita kahapon sa Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp Guillermo Nakar, Lucena City, Que­zon.

Kasama ng commander in chief sina Defense Secretary Gilbert Teodoro, Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at General Romeo S. Brawner Jr., Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines.

Pinapurihan ng Pa­ngulo ang mga opisyales ng SOLCOM sa kanilang mga naging accomplishment  at hinikayat na manatiling nakatutok sa kanilang misyon.

“So, I’m very happy to be able to see this and I’m even happier to be able to note that your successes — maganda ang inyong performance sa inyong trabaho. Keep up the good work and, we, in the civilian go­vernment, are completely behind you,” pahayag ng  Presidente.

Paalala ng Pangulo sa tropa na manatiling nakapokus sa kanilang misyon at huwag  magpabuyo sa nagaganap  political noise.

“Let’s keep [our] mission clear in our mind. And kung nadi-distract tayo — siyempre mara­ming sigaw, maraming ingay — ‘pag nadi-distract tayo at sabi papaano na ito? Madali iyan, madali ang sagot diyan: Ano ba ang mission ko? Iyon, ‘yun ang tutuparin ko,” dagdag ng Pangulo.

Kasunod nito, ang pagtiyak ni PBBM ng tuloy tuloy na suporta at pagpapalakas ng kapasidad ng hukbo para laging handa sa pagtugon sa pangangailangan ng bansa.

VERLIN RUIZ