NGAYONG magtatapos na ang buwan ng Marso, karamihan sa atin ay naghahanda na para sa Semana Santa na magsisimula ngayong Linggo, Araw ng Palaspas.
Upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga biyahero, magdadagdag umano ang Bureau of Immigration ng tauhan sa Ninoy Aquino International Airport simula bukas, Sabado. Magdadagdag din ng immigration counters sa departure area. Mayroon ding pasabi sa mga airlines na agahan ang pagbubukas ng kanilang check-in counters para naman may sapat na oras ang mga tao na tapusin ang mga hakbang na kailangang gawin bago sumakay sa eroplano.
Ang mga biyahero na papunta rito sa Pilipinas ay pinapayuhang mag-fill out na ng online forms at mag-submit ng mga kinakailangang dokumento bago pa man umalis sa kanilang pinanggagalingang bansa upang maiwasan ang pagkaantala. Nasa 1.2 milyong pasahero ang inaasahang daraan sa NAIA ngayong Holy Week.
Sa PITX naman, nagkakaubusan na umano ng ticket para sa ilang mga destinasyon dahil sa mga magbibiyahe ngayong darating na linggo. Kaya naman inaasikaso na umano ang pagdadagdag ng mga bus. Nasa 1.2 milyong pasahero rin umano ang inaasahang daraan sa PITX para magpunta sa kani-kanilang mga probinsya ngayong bakasyon.
Kung kayo ay nagbabalak na bumili ng ticket, tumawag muna sa bus company o sa PITX mismo bago pumunta rito para masigurong may masasakyan pa. Kung wala nang ticket na mabibili, magpa-reserve agad. Tandaan na inaabisuhan pa rin ang lahat na magsuot ng mask kung nasa pampublikong lugar. Ang long weekend ay magsisimula sa Huwebes, ika-6 ng Abril, hanggang Lunes, ika-10 ng Abril.