MAY pondo ang Department of Health (DOH) para makapagsagawa ng libreng COVID testing.
Ito po ang tatalakayin natin ngayon.
Kung napapansin ninyo, marami sa mga kababayan natin, nagrereklamo na hindi sila makapagpa-COVID test dahil sa napakamahal na presyo.
Lilinawin lang po natin – may sapat na pondo po ngayong taon ang DOH para sa libreng testing, lalo na para sa mga kababayan nating walang kakayahang pinansiyal para makapagpa-COVID test.
Bilang chairman po tayo ng Senate Committee on Finance, siniguro natin ang pondong ‘yan nung binubusisi pa natin sa Senado sa pangunguna ng ating komite, ang pambansang budget. At ito po ang gusto nating ipaalala sa DOH – may pondo po sa ilalim ng 2022 national budget para makapagsagawa kayo ng libreng COVID tests.
Para po sa kaalaman ng publiko, naglaan po tayo ng P17.85 bilyon sa ilalim ng 2022 national budget para sa “COVID-19 Laboratory Network Commodities” na maaaring magamit ng gobyerno, partikular ng DOH para makapagsagaws ng libreng COVID testing.
Laman po ng pondong ‘yan ang P7.92 bilyon sa ilalim ng DOH budget at P9.92B mula sa unprogrammed appropriations.
Batid po namin sa Senado, batid po ng inyong mga senador na nasa pandemya pa rin tayo at hinahagupit ng iba’t ibang variant ng COVID. Kaya napakahalaga po sa panahong ito na lahat ng nagkakasakit, kahit sipon lang iyan o ubo o simpleng lagnat na sumailalim sa testing.
‘Yung mga wala pong sintomas, pero ang mga kasama sa bahay ay may symptoms, o kaya naman ay na-expose sila sa mga infected, dapat ding magpa-COVID test.
Sa ganitong paraan, maiiwasan natin ang mabilis na pagkalat o hawahan ng COVID, lalo na sa mga kababayan nating may comorbidities o ‘yung may mga taglay na malulubhang karamdaman.
Dalawang taon na nating binubuhusan ng pondo ang health sector natin at ngayong taon, tiniyak nating masasagot ang problema sa COVID testing. Dahil nabatid natin na marami tayong kababayan ang ayaw magpa-test kahit nakakaramdam na ng sintomas ay dahil takot silang gumastos. Ito ang numero unong dahilan kung bakit pinondohan natin ang COVID-19 Laboratory Network Commodities, para masagot ang problemang ‘yan.
Paalala po sa inyo d’yan sa DOH: May pondo po tayo para sa free COVID tests. Tinulungan po kayo ng Senado para sa inyong pondo, gamitin po ito para matulungan din ang publiko.
Maraming salamat po.