AKO AY nasa Ortigas kahapon nang maramdaman ko ang pagyanig ng aking upuan. Akala ko ay nahihilo ako. Subalit tumingin ako sa paligid at lahat ay umuuga. Napagtanto ko matapos ng ilang segundo na nakararanas ako ng lindol.
Ayon sa ulat, nangyari ang lindol ng alas-5:11 ng hapon at ito ay umabot sa 6.1 magnitude. Ang epicenter o sentro ng lindol ay sa bayan ng Cas-tillejos sa lalawigan ng Zambales. Umapoy ang linya ng aking telepono. Sigurado na ang karamihan ay nagbigayan ng impormasyon at nagpalitan ng balita sa kani-kanilang karanasan. Sa totoo lang, marami sa mga nakatira o nag-oopisina sa mga matataas na gusali ang talagang nakaranas ng malakas na pag-uga o pagyanig.
Kung ihahambing natin ito sa lapis, ang maliit na galaw ng dulo ng lapis sa pagsulat ay kabaligtaran ng kabilang dulo nito kung nasaan ang eraser o pambura nito. Ganito ang prinsipyo sa mga tinatawag nating high-rise buildings na dumarami sa ating mga lungsod. Kaya iba ang pakiramdam ng tao na nasa 27th floor kaysa sa nasa kalsada kapag may malakas na lindol.
Kaya tama lamang ang ginagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang regular na #MMShakeDrill. Kung hindi ako nagkakamali, noong naging pinuno si Chairman Danilo Lim ng MMDA ay nagsagawa na sila ng ikalima o ika-anim na drill. Bagama’t regular na gina-gawa ito ng MMDA, para sa kanila ay malayo pa ito sa ‘perfection’.
Ang scenario na ginagawa ng MMDA ay nagkaroon ng isang 7.2 magnitude na earthquake ang Metro Manila. Tandaan ang nangyari kahapon na 6.1. Hindi gaanong malayo sa earthquake simulation na ginagawa ng MMDA.
Sa kanilang ginawa, lumabas na kailangang ayusin pa ang komunikasyon sa pamamagitan text messages sa pag-anunsiyo ng pangyayari. Tulad na lang kahapon. Nangyari ang lindol ng alas-5:11 ng hapon. Nakakuha ako ng text message mula sa NDRRMC sa naganap na lindol ng alas-6 ng gabi. Halos isang oras ang nakalipas.
Isa pang nakita ng MMDA na kailangan pang paghandaan at ayusin ay ang mga tamang lokasyon ng kanilang mga com-mand post sa buong Metro Manila at ang komunikasyon nila. Hinati kasi ng MMDA ang mga command post sa apat. Ito ay sa bahaging Timog, Kanluran, Hilaga at sa Silangan. Ang koordinsayon ng bawat ‘quadrant’ ay mahalaga pati na rin sa pagbibigay ng direction sa mga ambulansiya kung nangangailangan ng rescue at evacuation.
Comments are closed.