HUWAG nang hintayin na ma-dehydrate at himatayin dahil sa matinding init.
Ito ang maigting na paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko dahil sa patuloy na pagtaas ng heat index o damang init.
Nitong Lunes, pumalo sa 47 degrees Celsius ang heat index sa Dagupan City, Pangasinan.
Habang sumunod sa pinakamainit ang Sangley Point sa Cavite at tig-apat na lugar ang nasa 44 at 43 degrees Celsius.
Labindalawang lugar naman ang nasa 42 degrees Celsius.
Kapag sumampa sa 42 hanggang 51 degrees Celsius ang heat index, ito ay nasa danger category habang and 52 pataas ay extreme dangerous.
Ang labs na alinsangan ay may peligrosong epekto sa kalusugan gaya ng heat stroke, heat cramps, exhaustion at iba pa.
Kaya naman upang maiwasan ito, ipinapayo na kung hindi mahalaga ang paglabas ng bahay ay ipagpaliban na ito.
Makabubuti ring laging magdala ng pananggalang gaya ng payong at sombrero kapag lalabas.
Pinakamabisang gawin din ay magdala lagi ng tubig na inumin upang maiwasan ang dehydration.
Kung galing sa labas at papasok sa malamig na lugar, pababain muna ang init na nakuha sa sikat ng araw bago pumasok dahil maaaring makaapekto sa blood pressure.
Maraming paraan para maiwasan ang dulot na sakit ng mainit na panahon, marapat lamang na sundin ito.