NOONG nakaraang Lunes, June 15, naisulat natin sa pitak na ito na nailipat na sa regular room si coach Junel Mendiola at natanggal na ‘yung nakakabit na respirator sa kanya, kaya naman tuwang- tuwa si Mrs. Mendiola.
Pero sobrang bilis ng pangyayari sa dating player ng Purefoods TJ Juicy Hotdogs sa ilalim ni coach Ryan Gregorio.
Naging parte si Mendiola ng Philippine men’s team ni coach Boycie Zamar na sumikwat ng gintong medalya sa 21st Southeat Asian Games na ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nakapaglaro rin siya sa UST Tigers, pagkatapos ay lumipat siya sa PSBA at tatlong beses na naging MVP sa NCRAA.
Noong Lunes ng hapon ay nadalaw pa siya ni Blackwater Elite asst. coach Romel Adducul na nagbigay ng moral boost sa dating head coach ng Trinity College. Lumalaban sa kanyang sakit si coach Junel, hindi nawala ang asawa niya sa kanyang tabi. “Na-explain na sa akin ng onco, cancer of the muscles ‘yung kay Junel na nakadikit sa lungs at sa bones niya sa likod,” ani ni Mrs. Mendiola.
Posibleng nang malaman ni Junel ang tunay na sakit nito ay napanghinaan siya ng loob. Napakabata pa ni coach sa edad na 45. Bago mag-alas 12 ay bumaba raw ang BP ni coach, hanggang ‘di na humihinga. Pero na-revive umano ito bago maghapon, subalit bago mag-alas-6 ay tuluyan nang bumaba ang BP niya. Sadyang ganyan ang buhay ng tao, kung nais ka nang kunin ng Dakilang Lumikha ay wala tayong magagawa. Hanggang doon lang ang hiram nating buhay rito sa ibabaw ng mundo. At least, tapos na ang paghihirap ni coach Junel, wala na siyang pain na mararamdaman.
Nais magpasalamat ng pamilya ni coach Junel, lalo na si Mrs. Mendiola, sa mga tumulong sa kanila, sa pangunguna nina PBA Kume Willie Marcial, SMC, SMC Sports Director Alfrancis CHUA sa personal niyang tulong Rene Suba na teammate ni Junel, PBA Legends at sa lahat ng friends ng family nila.
o0o
Hindi pa tapos ang pagluluksa kay coach Junel ay mayroon na namang namaalam na may kinalaman din sa basketball. Ang billionaire chairman at CEO ng San Miguel Corp. at longtime supporter ng PBA na si boss Danding Cojuangco Jr., na isa rin sa tumutulong sa kampo ng De La Salle Green Archers (UAAP) ay sumakabilang-buhay na noong Martes, June 16, dahil sa karamdaman. Si Mr. Cojuangco ay 85 taong gulang at kaka-celebrate lamang niya ng kanyang kaarawan noong June 10.
Paalam, boss Danding. Maraming salamat sa mga naitulong mo sa sports world.
o0o
PAHABOL: Sa mga ka-sports natin diyan, makisali kayo sa gagawin ng TOPS Usapang Sports na dry run na forum, 10am po, open ang tanungan. See you, guys. At bago ko makalimutan, HAPPY 24TH ANNIVERSARY sa husband ko. Kahit maraming dumating na trials sa ating pag-sasama, TAYO PA RIN ANG MAGKASAMA MAGPAHANGGANG NGAYON.
Comments are closed.