DUMALO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa state funeral para sa kanyang tiyuhin na si dating Pangulong Fidel Valdez Ramos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig kahapon.
Kasama sa paghahatid dito sa huling himlayan bagong talagang AFP chief of staff General Bartolome VO Bacarro na nagsilbing military host sa paggawad ng parangal kay FVR kasama ang mga major service commanders .
Nakipaglibing din ang mga opisyal ng gobyerno at mga dating miyembro ng gabinete ng yumaong dating Pangulo at mga opisyal na naging mga kasamahan sa militar.
Sinimulan ang state funeral program ganap na alas-10 ng umaga at nagsagawa ng Banal na Misa sa Heritage Park Memorial Chapel.
Binigyan ng full military honors ang dating Presidente at 21 gun salute, at bago magtapos ang funeral rites ay pinatugtog ng AFP composite band ang mga paboritong awitin ni Ramos kasama ang Maalaala Mo Kaya.
Nag-flower drop ang militar bilang pagpupugay kay Ramos, bukod pa sa mga putok ng kanyon at baril na ginagawa lang sa mga state funeral o hero’s burial.
Nagpasalamat naman ang dating First Lady Amelita “Ming” Ramos sa mga dumalo sa state funeral at sa lahat ng mga nakiramay sa kanilang pamilya.
“Maraming salamat sa inyong lahat, sa tulong ni’yo. Alam ni’yo mahirap ang buhay sa military pero kinaya namin. Tumulong si President Ramos, kayang-kaya niya at he was able to raise five daughters, 8 grandsons and 5 granddaughters. Mahirap mag -adjust. Dalawang taon nasa bahay siya, dalawang taon nasa probinsya, tapos nag-volunteer pa siya dalawang taon sa Vietnam. Kaya maraming salamat sa tulong ni’yo,” pahayag ni Mrs. Ramos.
Ang dating Pangulo na pumanaw sa edad na 94 noong Hulyo 31 ay nagsilbing lider ng bansa mula 1992 hanggang 1998.
Nagsilbi rin si Ramos na hepe ng Philippine Constabulary mula 1972 hanggang 1986, Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines mula 1986 hanggang 1988 at Secretary of National Defense mula 1988 hanggang 1991. EVELYN QUIROZ, VERLIN RUIZ