PAALAM ISKO…

TEKA, bago kayo mag-isip sa paksa ng aking kolum, hindi ito tungkol sa pulitika. Hindi si Yorme ‘Isko’ Moreno ang pinagsasabihan ko ng paalam. Ito ay tungkol sa isang malapit na kaibigan ko na namaalam na sa mundong ibabaw noong Miyerkoles. Siya ay si Francisco R. Serrano Jr. Kaklase ko nu’ng hayskul sa Claret School of QC Batch 1979.

Naging seatmate, business partner, best man ko sa kasal at ninong ng panganay kong anak. Si Isko ay isang kaibigan na palagi mong maasahan kung kailangan mo ng tulong. Isa siya sa mga batchmate namin na malaki ang kontribusyon na tulong kaya naging matagumpay ang aming 40th reunion noong 2019.

Matalino si Isko. Sa katunayan, accelerated siya noong nag-aaral pa lamang siya sa elementarya. Hindi na siya nag-Grade 7 kaya naman isa siya sa pinakabata sa batch namin. Ipinanganak si Isko noong ika-12 ng Hunyo 1963. Sakto pa ang kanyang kaarawan sa ating Araw ng Kalayaan kaya hindi ako nakakalimot na batiin siya tuwing kaarawan niya.

Si Isko ay nagtapos ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas College of Engineering na may kursong Electrical Engineer. Mahirap ang kursong kanyang tinapos. Parehas kaming mahilig sa sasakyan at sa pag-eehersisyo.

Noong hayskul pa kami, magkatabi kami sa klase. Kasunod niya ako dahil nga Serrano ang kanyang apelyido at ako naman ay Sison. Maliit na tao si Isko noon. Samantalang ako naman ang di hamak na mas malaki sa kanya. Kaya naman ang tawag kong pabiro sa kanya noon ay ‘Nano’ na may dalawang ibig sabihin. Short-cut ng Serrano o maaari rin dahil siya ay ‘Unano’. Subalit noong magkolehiyo na kami, biglang tumangkad si Isko na tila mas mataas pa sa akin. Kaya inihinto ko na ang pagtawag sa kanya ng ‘Nano’. Isko o Jun na ang tawag ko sa kanya.

Sa mga medyo alam ang lugar sa may Kamuning, Quezon City, sila ang may-ari ng Phoenix Records na makikita sa Kamuning Rd. Naging kilala ang nasabing tindahan noong panahon ng 80s at 90s. Isa sila sa tindahan ng plaka na makikita mo ang sinasabing ‘hard to find records’. Halos kumpleto sila ng koleksiyon ng plaka. Ang kanyang Tatay, si Atty. Francisco Serrano Sr., na naging ninong ko rin sa kasal ay talagang may hilig sa koleksyon ng mga plaka.

May kaya sa buhay ang pamilya ni Isko. Subalit hindi mo makikita sa kanyang pag-uugali at pananaw sa buhay. Walang yabang sa katawan. Palabiro, matulungin, magaang kausap. ‘Yan si Isko. Kung ang mga ibang kaklase namin noong hayskul ay nakasuot ng mga mamahalin at imported na t-shirt tulad ng Lacoste, Penguin, Hang-Ten at Fila; kuntento na siya na nagsusuot ng Collezione. Hindi nga imported, pero magandang sports shirt. Ang hindi ko malilimutan ay ang kanyang relo. Simple ngunit maganda.

Ewan ko kung meron pa nito ngayon. Ito ‘yung American Eagle Coin coin na relo ng Sandoz. Gandang ganda ako sa relo niya. Simple lamang ang disenyo. Malamang collector’s item na rin ito.

Makalipas ng ilang dekada ay nagsosyo kami at nagtayo kami ng Fitness Center. Ang pangalan nito ay “Muscle Dynamics”. Tumagal din ang negosyo namin mula 1988 hanggang 1994. Sinarado na namin matapos ang ilang taon dahil dumadami na ang mas malaking gym. Hindi naiiba ang sitwasyon namin sa mga nagsarang maliliit na supermarket mula nang magtayo ng supermarket ang SM, Robinsons, Ayala malls at convenient stores tulad ng 7-11, Alfamart at Mini-Stop.

Regular pa rin kaming nagkikita ni Isko kasama ang mga hayskul batchmates namin. Kaya naman lahat kami ay nasorpresa sa biglaang pagkamatay niya. Isko touched a lot of lives. Sabi ng isang kaklase namin na matagal nang nakatira sa Amerika, “Although we are saddened by Isko’s passing, we have seen a lot of outpouring love from the people he has touched. A life well lived!”.

Paalam Isko. Maraming Salamat at naging kaibigan kita.

3 thoughts on “PAALAM ISKO…”

  1. 150487 560715As I web site possessor I believe the content matter here is rattling wonderful , appreciate it for your efforts. You must maintain it up forever! Excellent Luck. 344122

Comments are closed.