PAALAM NA NGA BA SA HARI NG KALSADA?

MARAMI  sa atin ang nag-aalala kung ano ang naghihintay para sa milyon-milyong komyuter sa bansa kapag nagbukas nang muli ang mga opisina at paaralan. Lumipas na kasi ang deadline (December 31, 2023) na ibinigay ng pamahalaan para sa PUV franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Ayon sa mga transport groups, magiging limitado ang pampublikong sasakyan para sa mahigit na 28 milyong mga komyuter sa Pilipinas pagkatapos nito.

Pero ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sapat umano ang mga sasakyan para sa masa dahil marami na rin namang grupo at mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada ang nakapag-consolidate na. Ikalawa, may iba pa naman daw na pampublikong sasakyan gaya ng mga taxi, bus, at mga ride-share vehicles na pwedeng magamit ng mga komyuter. Pero iba ang sinasabi ng transport group na Piston: Hindi umano handa ang LTFRB sa malaking kabawasan sa pampublikong sasakyan at sa dami ng mawawalan ng hanapbuhay nang dahil sa programang ito.

Kaya naman bukod pa sa mga transport groups, may ilang sektor na ayaw pa ring sukuan ang laban. Isa na rito ang bagong buo na Ad Hoc Coalition of Filipino Creatives to Save the Jeepney.

Hinihikayat ng grupo ang publiko upang mag- “Strike Where You Stand” sa pamamagitan ng pagpirma sa online petition (bit.ly/savethejeepney2023), pagsali sa online poster exhibit (bit.ly/filipinocreativesfightback), at pag suporta sa kampanya sa pamamagitan ng pagshe-share ng impormasyon. Nakalikom na sila ng 7,000 petition signatories as of December 31, 2023 (tanghali).
(Itutuloy…)