(Pagpapatuloy)
ANG samahang nabanggit (Ad Hoc Coalition of Filipino Creatives to Save the Jeepney) ay binubuo ng mga sumusunod: Purveyr, Kwago, ang Freelance Writers’ Guild of the Philippines, Makò Micro-Press, Mayday Multimedia, Tarantadong Kalbo, Czyka Tumaliuan, Didi Nyunyu, Dan Matutina, Raffy Lerma, Marvin Conanan, Roma Estrada, Jilson Tiu, Niño Oconer, at iba pa.
Nagpahayag sila ng pakikiisa sa mga transport group, mga operator, mga komyuter, at lahat ng mga sumusuporta sa panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang i-reassess ang PUVMP at palitan ang December 31 deadline.
Ayon sa koalisyon, nasa 200,000 na tsuper at operator ang mawawalan ng hanapbuhay paglipas ng petsang ito, kaya nanawagan ang grupo sa publiko upang lumagda sa isang online petition. Kung nais, maaaring makita ito sa bit.ly/savethejeepney2023
Ayon sa grupo ng mga manunulat, artista, mga photographer at technologist, at iba pang mga manlilikhang Pinoy, ang panawagan ay hindi kontra-modernisasyon. Kailangan umanong ipaglaban ang kaunlarang pangkalahatan, kasama ang lahat ng mga stakeholder.
Hindi na lamang ito tungkol sa dyipni, anila, kundi sa pagiging makatao habang isinusulong ang kaunlaran ng bansa. Posible umano ang modernisasyon na walang nahuhuli o naiiwan. Ang lahat ay dapat na bigyang-halaga at pakinggan.
Sa pagsisimula ng implementasyon ng naturang programa, ang lahat ng mga PUJ na 15 taon at mas luma ay mawawalan na ng prangkisa at hindi na papayagang bumiyahe bilang public utility transportation. Sa kalagitnaan ng linggong ito ay malalaman ng bansa kung totoo nga bang handa ang gobyerno sa epekto ng pagkawala ng mga jeepney sa ating mga lansangan.