PAALAM SA Q’FINALS

Carlo Paalam

HANGZHOU – Sinamahan ni Carlo Paalam si Eumir Marcial sa quarterfinals ng 19th Asian Games boxing competitions makaraang igupo si Uulu Munarbek Seiitbek ng Kyrgyzstan sa isang back-and-forth fight sa Hangzhou gymnasium nitong Sabado.

Kinailangan ng 25-anyos na si Paalam, silver medalist sa 2020 Tokyo Olympics, ng malakas na finishing kick upang maitakas ang 4-1 panalo sa Roundof-16 ng men’s 54 kg class.

Nalusutan ni Paalam ang height at reach advantage ng Kyrgyztan fighter para umusad sa susunod na round.

“Matalino ring maglaro. Ginagamit ‘yung tangkad at experience niya,” pahayag ng Filipino pug patungkol sa kanyang lanky opponent, bronze medalist sa World Championship sa Tashkent, Uzbekistan ngayong taon. “Dun kami nagbe-based sa skill at sa style. Matalino talaga.”

Si Paalam ay ikalawa pa lamang na Filipino fighter matapos ni Marcial na umusad sa ‘Final 8’ upang panatilhing buhay ang pag-asa ng bansa na makopo ang kauna-unahang Asiad gold sa loob ng 13 taon at makakuha ng outright berth sa Paris Olympics sa susunod na taon.

Susunod na makakasagupa ng tubong Bukidnon si reigning world champion Abdumalik Khalokov ng Uzbekistan.

Si Khalokov, 23, ay nanalo sa pamamagitan ng unanimous decision kontra Nguyen Van Duong ng Vietnam, 5-0, sa isa pang Round-of-16 match.

Nakopo ng Uzbek ang 57 kg gold sa Tashkent World Championship at sa Asian Championship sa Amman, Jordan noong nakaraang taon.

“Halos lahat sila sa division namin malalakas,” sabi ni Paalam.

Nakatakda ang quarterfinal round sa Martes.