MAGBUBUKAS na ang UAAP Season 81 sa Mall of Asia Arena kung saan ang unang sultada ay sa pagitan ng University of the East at ng University of the Philippines. Sa main game naman ay maghaharap ang National University at University of Santo Tomas.
Pero bago ang mga laro ay magkakaroon muna ng opening ceremony kung saan ipaparada ng walong unibersidad ang kanilang mga naggagandahang muse.
Sa unang pagkakataon ay masusubukan ang kalibre ni coach Aldin Ayo sa kampo ng Uste. Ang iba pang kalahok ay ang FEU Tamaraws, De La Salle Green Archers, Ateneo Blue Eagles, at Adamson University.
Siyempre, ang bagong commissioner ng liga ay si coach Junel Baculi na very fresh galing sa Estados Unidos. Pagkatapos ng limang taon na nawala sa kampo ng National University bilang athletic director tumungo ito sa Amerika. Ngayon ay balik-Pinas na siya para pangunahan ang UAAP 81st season. Pinalitan niya si Mr. Rene Saguisag.
Nakalulungkot na pumanaw na si Olympian Ian Lariba o Yan sa kanyang mga kaibigan. Almost 2 years din siyang lumaban sa kanyang sakit na leukemia. Si Yan ay naging representative ng bansa sa Rio Olympic Games noong 2016. Namatay si Lariba noong Linggo sa edad na 23. Pinangunahan ni Yan ang DLSU para sa over all titles sa UAAP at dalawang beses siyang naging ‘Athlete of the Year. Paalam, Yan Lariba. Pahinga ka na, wala ka nang sakit na mararamdaman. ‘Di ka namin makalilimutan.
Wala sa game ng TNT KaTropa laban sa Columbian Dyip si coach Nash Racela kamakalawa ng gabi. Nanalo ang tropa ni asst. coach Eric Gonzales via overtime 118-114. Katulong din si asst. coach Gilbett Lao. Hindi malaman kung kailan ang balik ni coach Nash sa team, pansamantalang si Gonzales muna ang mangunguna sa koponan.
Lalaban nang sabayan ang UE Warriors ngayong season 81 ng UAAP. Si coach Joe Silva ang bagong head coach ng aking alma mater. Sana ay si coach Silva na ang sagot sa kakulagan ng Red Warriors ngayong taon. Tsika naming, lumahok ang UE Warrios sa Thailand league at nag-champion ang mga bataan ni Joe Silva sa naturang bansa.
PAHABOL: Buong puso naman kaming nakikiramay sa pamilyang iniwanan ng kaibigan naming si Nestor ng PBA. Paalam, kaibigan, sa muling pagkikita.
Comments are closed.