PAANO DAPAT AYUSIN ANG IYONG HOME OFFICE SA PANAHON NG MECQ

homer nievera

KUMUSTA,  ka-negosyo?

Nasanay ka na bang magnegosyo  sa iyong home office – o opisina sa bahay – sa panahon ng lockdown? Ngayon kasi, siguradong gigil na ang mga taong lumabas at bumalik sa opisina. Trapik na malamang ngayon sa ilang pangunahing lansangan o highway.

Pero teka, ‘di dahil naging MECQ na o GCQ sa iba, pakatandaan na mayroon pa ring umiiral na community quarantine. Ibig sabihin  nito, ‘di pa lubusang bukas ang lahat ng negosyo at mahigpit pa rin ang pinaiiral na social distancing at pagsuot ng face mask  at iba pa.

Ngunit sa totoo lang, kinailangan na ring makabawi kahit paano ang  ekonomiya ng Filipinas  kaya nag- MECQ. Tandaan na sa kasalukuyan, ang mga kompanyang maaari nang bumalik sa trabaho ay 50% lang ang pinapayagan na nasa opisina at 50% ang work-from-home.

Dito pa lang, alam mo na kailangan mong i-maintain pa rin ang iyong home office. Ano-ano ba talaga ang kailangan mo para sa maayos  na opisina kung work-from-home (WFH) ka?

O siya, tara na at matuto!

#1 Tingnan muna ang operasyong gagawin mo bilang WFH

Sa ating perspektiba, ikaw ay isang negosyante. Maaaring may ilang tao ka na nasa opisina o depende kung ano ba talaga ang negosyo mo, ‘di ba?

Alam mo naman din siguro na dahil kailangan ng social distancing sa kompanya mo, ‘di talaga puwedeng nasa 100% na nasa  opisina lahat ng tauhan mo, kasama ka – anuman ang iyong negosyo.

Dahil ikaw ang boss (malamang naman siguro!), dapat kaya mong ayusin ang setup ng opisina mo sa bahay ayon sa operasyong iyong pamamahalaan.

Halimbawa, kung ikaw ay nasa manufacturing, dapat may supervisor ka na nagmamando nang personal sa mga tauhan. Dapat siguro ay may isa kang executive assistant na nasa opisina, at kung sino-sino pa na siyang pisikal mong tao na naroon para magmando ng mga tao.

Sa operasyon ko kasi, lahat kami ay naka-work-from-home na kaya mas madali ang operasyon at ugnayan namin dahil lahat digital na. Sa pitak na ito, ibabahagi ko ang ilang ginagawa at ginagamit naming tools na puwede ninyo ring  gamitin.

#2 Malakas na Internet

‘Di na siguro kaila na sa panahon ng ECQ, napakalaking bagay ng  malakas na Internet sa bahay, ‘di ba? Kung ‘di ka pa lumilipat mula DSL papuntang Fiber Optic na wifi, ngayon na dapat.Kung kaya mo ng 50 mbps, mas ok.

Bonus na ‘yung maayos kang nakaka-stream ng Netflix. Pero ang talagang pakay mo ay kayanin ng wifi mo ang mga iba pang video streaming na kakailanganin mo sa komunikasyon. Isipin mo rin na malamng, ‘di lang naman ikaw ang gumagamit ng Internet sa bahay, ‘di ba?

Sa totoo lang, sa aming tahanan, tatlo na kaagad kaming naka-WFH. ‘Yung dalawa kong anak kasi ay automatic na naka work-from-home dahil na rin sa uri ng kanilang trabaho kung saan sinabihan  talaga silang mag-WFH.

Ang isang anak ko nga, hanggang Oktubre daw na siguradong WFH  siya, at ang isa ko namang anak ay kailangang manatili sa bahay  dahil ang panganay ko ay fronliner – isa siyang doktor – kaya sa building daw nila, kailangang 21 araw daw ang automatic quarantine niya kung sa bahay umuuwi ang kapamilyang frontliner.

‘Yun nga lang, dalawang beses sa isang linggo  umuuwi  ang doktor kong anak. Kaya automatic na WFH siya talaga.

At dahil nga naka-fiber kami, ok lang na sabay-sabay na gumagamit ng wifi at nag-stream kami ng videos at gamit sa komunikasyon.

#3 Download ka ng Zoom

Kung wala ka pang Zoom app, mag-download ka na agad. Ang tanong talaga diyan ay nasaan ka ba noong mga panahong ECQ at wala kang ka-Zoom?

Para saan ba ang Zoom? Isa itong video conferencing app na maayos ang uri ng video na nagagawa nito sa pagitan ng maraming ka-video conference.

Sa aming pamilya, sobrang gamit ang Zoom kaya kumuha na ako ng Pro version nito dahil hanggang 100 na tao ay kaya naming maka-video. At dahil may mga hino-host akong conference, ‘yung version ko ng Zoom ay kayang mag-livestream sa Facebook o YouTube. Kaya kung ang negosyo mo ay mga seminar, halimbawa, mahalaga itong Zoom app.

Libre naman ang pag-download. ‘Yung free version ay hanggang 40 minuto ang puwedeng gamit nito. Mag-reconnect ka na lang kung matapos na ito.

#4 Isang Maayos na PC o Laptop

‘Di na siguro kaila sa iyo na kailangan mo ng maayos na PC o laptop, ‘di ba? Sa totoo lang, may mga kilala nga ako na pinauwi na sa kanila ng opisina ang kanilang PC sa bahay nila habang naka-WFH. Sa katunayan, iyan din ang una kong pinagawa sa mga kasamahan ko sa opisina nang mag-WFH kami noong nakaraang taon.

Ano nga ba ang specs ng laptop o PC na dapat na gamit mo habang WFH?

Depende kasi sa uri ng trabaho o negosyo mo ang specs ng laptop o PC mo. Ang mahalaga, may camera ito para sa video conferencing at may  maayos kang headset o earphones.

Ako, gamit ko kasi ay Macbook Air na laptop at eto ang gamit  ko sa pag-Zoom. Wala kasing camera ang PC ko. Kaya umorder na ako sa Lazada ng camera para magamit ko sa Zoom sa PC ko rin. Minimum na may 4GB kang RAM (mas ok ang 8GB, siyempre!) para sa mga video. Ngayon kasi, mas ok ang may 1tb kang hard disk kung PC. Sa PC ko kasi, bukod sa 1tb na hard disk, mayroon akong  nakakabit na 6tb na backup disk. Doon ko nilalagay ang lahat halos ng files ko para automatic na ang pag-backup. Kaya ang payo ko, magkabit ka rin ng external hard drive sa PC mo (laptop) para sa backups.

#5 Ergonomic na Upuan at Maayos na Mesa

Kung mga walong oras kang nakaupo, dapat talaga ergonomic ang iyong upuan. Mahalaga ang pagsasaayos  ng iyong pag-upo lalo na sa iyong likod.

Ako, nakakadalawang palit na ako ng upuan dahil sa paggamit ko nang matagal nito. Nagpasadya na rin ako ng mesa ko para sa laki  nito at taas.

Ang payo ko, pumili ka ng matibay na kagamitang mesa at upuan dahil araw-araw mo na itong gagamitin.

Konklusyon – Maayos na Workspace

Ang pinakamahalag sa lahat ay ang isang maayos na workspace. Iyong ‘di nakahalo ang trabaho sa sala o hapag kainan.

Ang mga anak ko kasi, kung saan-saan sila nagtatrabaho sa bahay. Mayroon silang mga portable na mesa at upuan. Milenyal kasi. Gusto raw nila, paiba-iba ang lugar na pinagtatrabahuhan.

Ako naman, naisaayos ko na ang workspace  o workstation ko sa bahay noong isang taon pa. Ayaw ko kasi ng distraction, pero gusto ko, malapit lang ako sa bintana para sa mga pa-deliver ko.

Tandaan mo na dahil WFH ka na, mayroon  ka pa namang mensahero sa pamamagitan ng Lalamove o Grab at iba pang mga delivery provider. ‘Yan ang mga ginagamit ko ngayon.

Mag-invest ka ng kaunti sa workspace mo dahil habang walang vaccine ang COVID-19, matagal-tagal kang naka-WFH.

Tandaan, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan  ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!

oOo

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.

Comments are closed.