MAS maraming manggagawa o empleyado ang nais na magtrabaho mula sa kanilang tahanan kaysa bumalik sa opisina. Mas matipid nga naman ito, iwas pa sa traffic, at nakapagbibigay ng mas mahabang panahon para makasama ang pamilya.
Pero may mga kompanya rin namang mas gugustuhing pumasok na sa opisina ang kanilang mga empleyado. Kung ayaw ng manggagawa, maaaring maghanap sila ng ibang mapapasukan at maaaring mawalan ng mahalagang mga tauhan ang isang kompanya kung mangyayari ito.
Isa sa maaaring gawin ng isang organisasyon upang mahikayat ang kanilang manggagawa na magbalik-opisina ay ang tiyaking ligtas at malinis ang opisina. Isa sa iniiwasan ng manggagawa ay ang magkasakit o mahawa ng sakit sa kasamahan. Kaya’t mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw at epektibong polisiya tungkol sa kaligtasan, kalusugan, at seguridad.
Isang mahalagang bagay na maaaring maibigay sa mga empleyado ay ang programa o pasilidad na makakatulong sa kanilang mapanatili ang kanilang kalusugang pisikal at pangkaisipan. Halimbawa, pwedeng magbigay ng mga seminar, event, o workshop tungkol sa relaxation, mindfulness, sports, stress management at iba pa.
Maaaring maglagay ng isang silid kung saan maaaring magpahinga, manalangin, magbasa, o magsulat ang isang empleyadong nangangailangan ng maiksing katahimikan o break. Ang isang exercise room ay makakatulong din sa pagpapanatili ng kalusugan ng ating mga manggagawa.
Ang ibang kompanya ay nag-o-offer ng healthy lunch para sa kanilang mga tauhan, o kaya naman ay dagdag na coverage sa kanilang health o dental insurance, transportation allowance, food allowance, at marami pang iba.
Pinakamainam na tanungin ang mga empleyado kung ano ang mga bagay na makatutulong sa kanila.
Pag-usapan ang mga pangangailangan at ang mga paraan kung paano matutugunan ng isang kompanya ang mga ito.