IKATLONG linggo na ng lockdown sa Kalakhang Maynila at sa datos na nakikita natin sa media, ‘di pa rin humuhumpay ang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19. Nakalulungkot at nakamamangha ang ganitong sitwasyon.
Sa kabila ng maraming negatibong nangyayari sa ating kapaligiran, ‘di dapat tayo basta-basta malulugmok dahil ‘di naman ito ang permanenteng kalagayan natin. Matatapos din ito.
Ngunit sa ganitong panahon, ano nga ba ang dapat nating gawin para mapanatili natin ang ating positibong pananaw at malabanan ang negatibong vibes?
O siya, tara na at alamin!
#1 Matulog ka at magpahinga
Baka kasi lagi ka namang napupuyat sa kaiisip o sa kagagawa ng ikalilibang mo. ‘Di naman masama ang maglibang, ngunit masama ang kulang sa tulog at pahinga. Kapag lugmok ang katawang lupa mo, ganoon din ang ispirito mo.
Ang pagkakaroon ng tamang lakas at enerhiya lalo na sa umaga, ay siyang magdidikta ng magiging pananaw mo sa buong araw. Kung tila pagod ka lagi kahit nakatulog ka na, ibig sabihin kulang ang tamang tulog o pahinga.
#2 Pokus sa solusyon
Kung palaging ang mga agam-agam mo sa mga nangyayari sa paligid mo ang iyong iniisip, dadalhin mo lang ang negatibong vibes na iyan sa buong maghapon mo. Isipin mo kung tatlong linggo ka nang nag-iisip ng mga problema, aba’y tatlong lingo ka na ring tuliro, ‘di ba?
Palitan mo ang iyong perspektibo! Magpokus ka sa solusyon at ‘wag sa problema.
Halimbawa, noong unang linggo ng lockdown, namroblema ako sa kung paano ko gagawin nang maayos ang pag-miting sa mga kasamahan ko sa negosyo, at gayundin sa mga aktibidad ng aming Katolikong komunidad na Missionary Families of Christ – Singles. Kaysa pagpokus sa problemang ito, naghanap at nagsaliksik kami ng paraan kung paano namin ito gagawin.
Sa paggamit namin ng Zoom app, na naging popular na ngayon, naipagpatuloy namin ang aming mga gawain. Sa totoo lang, dahil din sa ganitong pagpokus sa solusyon, marami kaming nagawang donasyon at pagtulong sa mga taong kapus-palad at sa mga frontliner sa buong Kalakhang Maynila. Maaaring maliit lang ang aming naitulong, ang pag-ambag ng positibong aksiyon sa negatibong sitwasyon ay nagdulot ng sama-samang pagtulong sa mga nangangailangan. Nagpokus kami sa solusyon kaysa sa problema.
#3 Panatilihin ang kalusugan – mag-ehersiyo
Sa nakaraan kong pitak, naisuhestiyon ko rin ito para sa mga empleyado ng kompanya mo na naka-work from home. Ganoon pa rin ang pagpapatuloy ng suhestiyon na ito sa pitak na ito.
‘Di maikakaila na ang pagkakaroon ng magandang sirkulasyon ng dugo ay mabuti sa katawan. Mabuti rin ito sa mag-iisip at pagpapatuloy ng positibong pananaw dahil may ibayong lakas kang nararamdaman.
Kung maganda ang daloy ng enerhiya sa iyong katawan, lumalabas din ito sa iyong buong pananaw sa buhay at nagdudulot ng positibong vibes.
Labanan ang negatibong vibes sa pamamagitan ng ehersisyo araw-araw. Maglaan ng 30 minuto at ok ka na. Maraming paraan naman diyan kahit nasa bahay ka lang. Saliksikin sa Youtube.
#4 Makipag-ugnayan sa mga taong positibo ang pananaw
Madalas kong ipayo sa mga kaibigan ko na nais na maging positibo ang pananaw at buhay ay ang makisalamuha sa mga taong positibo rin.
Bakit? Parang virus lang din ‘yan. Nakakahawa ang pananaw ng mga tao. Parang may animo’y enerhiyang iyong nakukuha sa pakikipag-ugnayan sa mga tao – positibo man o negatibo. Punahin mo, na kung puro kasiraan ng ibang tao ang pinag-uusapan ng mga kasama mo, ‘di ba parang ang bigat ng araw mo? Pero kung puro kakatawanan o positibo ang pinag-uusapan, maganda at magaan ang araw mo.
Ganoon lang iyon kasimple. Ang payo ko, umiwas sa mga taong negatibo kung ayaw mong mahawa sa pananaw nila. Kung mahirap itong gawin, lalo pa’t kasama mo sila sa bahay o trabaho, subukan mong baguhin ang kanilang pananaw. Ipagdasal mo rin sila.
Sa dulo, ang pagkakaroon ng positibong pananaw ng isang tao ay nakasalalay rin sa mga kasama nito sa araw-araw. Subukan mong pansinin ang mga taong nakapaligid sa iyo ngayon. Anoang dulot nilang vibes sa iyo?
#5 Magbasa o manood ng mga istorya ng tagumpay
Ang motibasyon ng isang tao ay naaayon din sa mga iyong nababasa at napapanood. Sa social media kasi marami kang nasasagap na ‘di naman maganda ang impluwensiyang maibibigay sa iyo.
Gamitin mo ang oras ng lockdown sa pag-aaral ukol sa mga tagumpay ng ibang tao at kompanya. Marami naman diyan na naaayon sa hilig o interes mo. Kung mahilig ka sa Netflix, manood ng mga palabas na may istorya ng tagumpay. Kung mahilig ka sa games, sa mga strategy games ka magbabad. Ang mahalaga ay ibabad ang sarili sa mga sitwasyon ng tagumpay upang maging ganoon din ang pananaw mo.
Gawin mo itong motibasyon mo sa araw- araw, kahit pa matapos na ang ECQ o lockdown.
Konklusyon
Nasaan ka na ba ngayon sa iyong pananaw? Lugmok ka ba o nakaumang para sa lahat ng hamon? Kung ano man ang kinakaharap mo ngayon, maging handa kang sumabak nang may positibong pananaw. Huwag kang patatalo.
Tandaan na sa lahat ng bagay, magdasal at maging positibo.
oOo
Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].
Comments are closed.