PAANO MAGPATAKBO NG MAAYOS NA FAMILY BUSINESS

KUMUSTA,  ka-negosyo?

Umpisa na ng GCQ  o General Community Quaratine  sa Metro Manila at sa marami pang lugar sa bansa. Paalala lang po. Ang GCQ ay isa pa rin pong quarantine at ‘di po lahat ng nakagawiang gawain  ay maaari nang gawin.

Mayroon pa rin po tayong mga restriksiyon, lalo na sa pagnenegosyo. Kaya kung ‘di naman po importante, stay at home pa rin po tayo.

Kaya naman ang pagtatalakay natin sa pitak na ito ngayon ay may kaugnayan sa inyong Family Business. Maaari kasing dati na kayong may ganitong setup o ngayon pa lang kayo gagawa nito.

Tandaan na ‘di ito kapareho ng isang ordinaryong negosyo. Dahil na rin  sa ang mga katrabaho mo rito ay kapamilya at ‘di ordinaryong empleyado. Mahirap din kasing hatiin ang relasyon sa ganitong set up.

Talakayin natin kung paano maayos na magagawa at magagampanan ng bawat miyembro ng pamilya at ka-negosyo ang kani-kanilang gawain.

O siya, tara na at matuto!

#1 Lahat dapat ay propesyunal

Ang negosyo ay negosyo. Dapat lahat ng bahagi ng pagpapatakbo nito ay nasa lebel na propesyunal. Walang tatamad-tamad at ang pokus ay ang kostumer.

Sa umpisa pa lang, dapat pinag-uusapan na ang mga hangganan ng relasyon at gawain na may kinalaman sa negosyo. Ang kanya-kanyang mga tungkulin ay dapat maayos na nakalapat at naiintindihan ng bawat isa. Kung boss ka sa opisina, gayundin ang tingin sa iyo sa negosyo ng anak mo o sino mang kapamilya. Respeto sa tungkulin ang kailangan.

Kapag nawala ang pagiging propesyunal sa negosyo, babagsak ito. Ganoon kasimple.

#2 May karaniwang layunin (common goals)

Lahat ng negosyo ay may karaniwang layunin – o common goals – na pinagtutuunan ng pansin mula sa umpisa ng kanilang araw sa trabaho. Ang karaniwang hangarin na ito ay kailangang napag-uusapan at napagdedesisyunan ng bawat isa sa miyembro ng pamilya sa pagnenegosyo.

Madalas kasing nagiging problema sa family business ay parang sumusunod na lang sa utos ang mga anak at sinumang nakababata ng ‘di inaalam kung ano talaga ang dulo ng pagnenegosyo.

Sabi nga ni Steven Covey, ang “end in mind” ay mahalaga. Ito kasi ang basehan ng pag-uunawa ng bawat isa kung saan patungo dapat ang negosyo.

Kaya naman sa umpisa pa lang, siguraduhing alam ng bawat isa sa miyembro ng pamilya na nasa negosyo mo kung ano talaga ang layunin nito at ano ang kanilang responsibilidad at tungkulin para ito ay maipatupad at maisakatuparan.

#3 Ayusin ang lahat ukol sa pinansiyal na aspeto

Maraming mga family business ang nalulugi at nagsasara nang dahil sa maling pagsasaayos ng mga pinansiyal na gawain. Mula ito sa badyet, payroll at investments.

Wala naman itong ipinagkaiba sa regular na negosyo kung saan ang cashflow, budget at investment ay pinag-uukulan ng pansin.

Minsan kasi, masyadong kampante ang bawat isa at ‘di ito nailalahad nang maayos. Halimbawa, ang suweldo  na maaaring allowance ang porma sa ibang pamilyang nagnenegosyo. Dapat, sapat at pinag-usapan ito nang maayos. Kasi kung tipong iniutos lang ito at ‘di napag-usapan nang maayos, tiyak na magkakaproblema ka sa maraming aspeto ng pinansiyal.

Ayusin  ang paghawak sa kaha. ‘Yan ang madalas na rason kung bakit nalulugi ang mga negosyo. ‘Yan din ang madalas na rason kung bakit ka nagdadala ng kapamilya sa negosyo. Kung ‘di napag-usapan ang mga aspeto ukol dito, malulugi ka pa rin. Lalo na at ‘di maalam sa aspeto ng cash management ang kapamilya mo.

#4 Pagkakaroon ng mga regular na meeting

Unang-una, ang pag-uusap sa ordinaryong hapag-kainan ay hindi kailanman magiging isang pormal na meeting. Ngayon pa lang, ihiwalay mo ang aspetong ito sa isang family business.

Mag-ukol ka ng oras at lugar para sa pormal at regular na meeting para sa iyong family business. ‘Di ba sa una pa lang, sabi natin, dapat propesyunal ang paghawak? Ito na ‘yun agad.

Magsimula kayo sa lingguhang meeting kung saan ang mga layunin at gawaing kailangang maisakatuparan ay naroon. Sundan ito ng buwanang meeting at taunang meeting. Ganoon din naman sa normal at regular na negosyo, ‘di ba? Ang pagkakaiba ay ang pagtrato sa isa’t isa bilang propesyunal na miyembro ng negosyo.

Sa mga meeting na ito dapat mailahad at mapag-usapan ang lahat ng ukol sa negosyo. Bawal ang personalan dito.

#5 Respetuhin ang mga hangganan ng bawat isa

Itong parteng ito sa isang family business ay mahalagang talakayin sa umpisa pa lang. Ang pinakamahalagang aspeto nito ay ang oras ng pagtratrabaho, ‘di ba? ‘Yan kasi ang madalas pagsimulan ng problema kung saan ay tapos na ang oras ng trabaho, pinag-uusapan pa ang ukol dito. Dapat respetuhin ang “off” ng kapamilya, ‘di ba?

Bawal ding pag-usapan kung sino ang mas nakatatanda  sa pamilya kung halimbawa, ang bunso ang naging boss sa magkakapatid. Kapag oras ng trabaho, siya pa rin ang boss.

Huwag na huwag gagamitin ang relasyong pamilya sa isyu ng mga desisyong ukol sa negosyo. Minsan naman, ok lang ‘to. Pero tandaan na iba ang negosyo sa pamilya.

Konklusyon

Kung akala mo ay mas madali ang makipag-negosyo sa kapamilya, nagkakamali ka. Marami kang bagay na dapat isaalang-alang lalo pa’t relasyon ang aalagaan mo. Maraming pamilya ang nagkawatak-watak dahil sa negosyo. Kaya piliing mabuti ang negosyo at kapamilyang isasama mo.

Sa huli, mas mahalaga ang relasyon kaysa negosyo. Tandaan mo ‘yan, ka-negosyo.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!

oOo

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.

Comments are closed.