PAANO MAKIPAGSABAYAN SA MALALAKING KOMPANYA KUNG NAGSISIMULA PA LANG

homer nievera

MAY website ka na ba? Kung wala pa, aba’y sobrang huli mo na sa biyahe!

Sa panahon ngayon, hindi maikakaila ang malaking papel na ginagampanan  ng teknolohiya sa iba’t ibang bahagi ng ating buhay.

Kung nais mong magnegosyo ngayon, kaya mo nang makipagsabayan sa mga malalaking kompanya sa pamamagitan ng mga simpleng teknolohiya na kundi mura, walang bayad!

#1 Website

Kung nag-uumpisa ka lang sa iyong maliit na negosyo o kaya’y isa  kang freelancer, malaking tulong ang sarili mong website. Ang isang website ay parang opisina mo sa Internet. Sa Filipinas, kung saan mahigit 45 milyon ang gumagamit ng Internet, tiyak na malaki ang potensiyal ng iyong negosyo kung may website ka. Kailangan, propesyonal  ang hitsura nito at nakalagay rito ang mga importanteng impormasyon ukol sa iyong negosyo.

#2 Email at Messenger Apps

Hindi kaila sa atin na ang bagong henerasyon ng mga bata ay marahil hindi na interesadong magpadala ng sulat gamit ang koreo o Post Office. Sa pamamagitan pa lang ng cellphone, kaya na niyang mag-text, mag-chat at makipag-usap kanino man saan man sa mundo.

Sa negosyo, email lang ay puwede ka nang magpadala ng mga proposal  sa mga nais maging kostumer. Hindi mo na kailangang gumastos  ng papel at pamasahe para ipadala ito. Makakasagot na rin agad ang pinadalhan mo. Gayundin ang paggamit ng chat  apps na Viber at Facebook Messenger na sa iyong mobile phone pa lang ay personal kayong makapag-uusap o magkikita at wala pang  bayad kung mayroon  kang wifi.

 #3 Social Media at Search Engine

Para makahanap ng mga kostumer sa kahit na anong negosyo mo, ang paggamit ng Social Media at Search Engine ang pangunahing teknolohiyang magagamit sa pag-market ng iyong serbisyo o produkto. Sa Facebook, Linkedin at Google+ na ilan lamang sa social networking sites, at sa mga search engine na Google at Bing, makakahanap ka na ng mga tao o kompanyang  posibleng magka-interes sa mga ibinebenta mo.

 #4 SEO

Ang long-term na gagawin kung kumpleto ka sa tatlong nabanggit  sa taas ay ang panatilihin ang ranking mo sa Google at iba pang Search Engine. Gumamit ng mga teknik  na gaya ng SEO (search engine optimization). ‘Di ko mailalahad ang lahat tungkol sa SEO pero magsaliksik ka lang at madali ka nang makapag-uumpisa. Ito kasi ang pinakasiyensiya ng Digital.

Sa mga susunod na kolum, mas palalawigin ko pa ang diskusyon sa mga ito at ilan pang kaalaman kung paano mas mag-agamit ang  teknolohiya para kumita ng pera saan ka man sa mundo.

Comments are closed.