KUMUSTA na, ka-negosyo?
Mahigit dalawang buwan na tayo sa ECQ-MECQ. Alam kong mas hirap ka na sa iyong pagnenegosyo, lalo na’t ‘di mo pa nai-pivot ito. Sana, nabasa mo ang mga nakaraang pitak ko para kahit paano ay makatulong sa iyo. Hanapin lang ang PILIPINO Mirror sa Facebook o online para sa mga nakaraang payo ko (tuwing Lunes).
Ngayon naman, ibabahagi ko ang ilang paraan para makatulong sa pagmamaneho o sa paglalangan sa gitna ng krisis na ito.
O siya, tara na at matuto!
#1 Balikan ang Business Plan
Narito na naman tayo. Balik tayo sa simula kung saan bibisitahin mo ang iyong Business Plan. Alam mo na siguro na lahat ng gagawin mo ay magsisimula sa isang layunin at ang layuning ito ay ilalagak sa isang plano.
Ang pag-aayos ng iyong business plan ay iaayon mo sa panahon. At dahil tunay na nag-iiba na ang pakikipagnegosyo sa panahong ito, dapat mo na ring i-pivot ang iyong business plan.
Sagutin mo lang ang mga tanong na ito sa iyong business plan: Saan mo nais makita ang iyong negosyo sa loob ng isa hanggang anim na buwan? Ano-ano ang gagawin mo upang maabot mo ang mga ito?
Ang susi sa isang business plan ay ang mga detalye nito. Kaya iyan ang pagtuunan mo ng pansin. Kung nais mo ng simpleng template ng isang business plan, email mo lang ako, ka-negosyo, sa [email protected].
#2 Pokus ka sa Iyong Kostumer
Sa ganitong panahon ng krisis at ang iyong naturang ‘best customer’ ay maaaring nakatuon ang pansin sa ibang mga bagay. Kung ang negosyo mo ay kasama sa mga basikong produkto o serbisyo, panalo ka na. Ngunit siyempre, may mga kakumpitensiya ka pa rin. Kaya sa ganitong pagkakataon, mas pagtuunan mo ng pansin ang iyong customer service.
Ang pagkakaroon ng mas maayos na serbisyo sa iyong kostumer ay mas mahalaga sa panahong ito. ‘Yan kasi ang mas magpapaangat ng iyong estado laban sa mga kakumpitensiya.
#3 Word of Mouth – Ano’ng sinasabi nila tungkol sa iyo?
Kakabit ng maayos at masiglang customer service ay ang tinatawag na “word of mouth” o WOM. Ang ibig sabihin lang nito ay patungkol sa mga sinasabi ng mga kostumer mo ukol sa produkto o serbisyo mo nang hindi galing sa kahit na anong patalastas o advertising mo.
Ano nga ba ang sinasabi nila?
Ano ba ang reputasyon mo?
‘Yan ang kailangan mong malaman at pangalagaan lalo na sa panahon ng krisis. Ito kasi ang magiging batayan ng pagnenegosyo mo dahil ang bawat isa sa mga kostumer mo man o suplayer ay nakatuon sa kredibilidad mo bilang negosyante. Madalas, makikipagsalamuha lang sila sa mga tunay nilang pinagkakatiwalaan. Ikaw ba ‘yun?
#4 Palawigin pa ang Marketing
Maraming mga negosyante ang nagbabawas ng budget sa marketing kapag may krisis. Ang ilan naman, mas pinaiigting pa ang marketing tuwing may krisis.
‘Di naman kasi dapat tingnan ang marketing sa ‘masama’ o mayabang na konteksto. Ang PR na tinatawag ay isang paraan din ng marketing. Halimbawa, ang ginawang pamimigay ng pagkain ng San Miguel ay matatawag na PR (o public relations) kung saan ang budget nito sa advertising ay doon inilagak. ‘Di nga ba mas naaalala mo sila ngayon? Marketing din iyan na matatawag.
Ganoon din ang ginawa ng Coke sa kanilang advertising budget. Kasama sila sa mga nag-donate sa mga apektadong pamilya at komunidad bilang CSR program nila.
Ang mga kompanyang naglagak ng marketing budget sa panahon ng krisis ay mas maaalala ng kostumer nila kapag mas umayos na ang sitwasyon.
#5 Palawigin ang Presensiya Online
Kumusta ang website mo, ka-negosyo? Tumatakbo ba nang mas maayos? Kumusta ang iyong social media? Kumusta ang SEO at content marketing mo?
Ilang lang ito sa mga bagay na dapat mong pagtibayin sa panahon ng krisis. Kagaya ng marketing, ang iyong presensiya online ay mas magpapaangat sa iyo sa panahong ito.
‘Di na kailangang pag-isipan ito nang matagal dahil nga sa ECQ o lockdown, nasa digital na lahat ng mga tao, ‘di ba? Kung kailangan mo ng isang libreng assessment ng iyong website at social media sa negosyo mo, email mo lang ako para sa libreng forensics.
#6 Tuloy-tuloy na Training o Pag-aaral
Sana naman ay nag-invest ka sa
pag-aaral nitong dalawang buwang nagdaan. Sa ganang akin, ang tinatawag na lifelong learning ay mahalagang bagay na pagtuunan ng pansin. Ako mismo ay nakapagtapos ng dalawang kurso nitong ECQ – isa sa Harvard at isa sa MIT.
Bakit ito mahalaga? Kasi ang pagkakaroon ng mga bagong kaalaman ay magbibigay sa iyo ng panibagong perspektiba sa iyong negosyo. Ito ay magagamit mo sa iyong pagbuo ng mga bagong plano sa negosyo mo.
Tuloy lang sa pag-aaral, ka-negosyo!
#7 Ayusin ang Budget
Maaaring kontra ito sa una kong nabanggit ukol sa marketing. Ngunit sa totoo lang, kaakibat ito.
Ang pagsasaayos ng iyong budget ay mahalaga bago pa umabot sa pag-bangkarote ng negosyo mo. Kung kinakailangang magbawas ng araw ng trabaho sa mga tao, gawin mo muna kaysa lubos na mawalan sila ng trabaho, ‘di ba?
Siyempre unahin muna ang budget sa operasyon. Kung kailangang magsakripisyo ng laki ng espasyo, gawin mo. Kung kailangang ilipat ng lokasyon, gawin mo, para makatipid.
Ang mahalaga, kung alam mo na kung ano ang pag-pivot na gagawin mo, isunod ang budget. Ang mahalaga, makahinga ka muna.
Maglagay ka ng espasyo sa iyong gastusin para maka-survive ka. ‘Yan muna ang isipin mo.
#8 Kumuha ng Mahusay na Ka-Team
Sa panahon ng krisis, ang core team mo ang mahalaga. Dapat andiyan sila upang alalayan ka sa mga plano at desisyon. Suriing mabuti ang kanilang mga kakayahan. Mas mabuti ‘yung ‘di sila pare-pareho ng kakayahan at tila napupuno nila ang kahinaan ng iba.
Bumuo ng online meetings at brainstorming sessions linggo-linggo. Magpalitan ng kuro-kuro at ayusin ang mga plano kasama sila.
Tandaan na ang pagkakaroon ng matibay na core team ang siyang magpapaangat sa yong negosyo.
Konklusyon
Sa panahon ng krisis, tandaan mo na ‘di ka nag-iisa. Patuloy kang kumonekta sa iba’t ibang grupo at makibahagi rito. Ang mahalaga, galaw ka nang galaw. Maging positibo at magtiwala sa sarili mong kakayahan at ng ibang tao.
Sa lahat ng bagay, patuloy kang magdasal at manalig sa Diyos.
oOo
Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected]
Comments are closed.