PAANO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG PAGIGING WORKING STUDENTS?

WORKING STUDENT

PANGKARANIWAN na sa panahon ngayon ang makakita tayo ng mga kabataang pinagsasabay ang pag-aaral at part time job. Gusto mo bang maging isa sa kanila?

Iba’t iba ang dahilan kung bakit sila naghahanap ng mapagkakakitaan; tustusan ang sarili nilang pag-aaral at makabawas sa gastusin ng kanilang mga magulang, magkaroon ng extra budget para sa luho at lakwatsa, at ang iba naman ay makapag-ipon para sa mga darating na pangangailangan. Batid ng lahat na hindi madali ang maging isang estudyante dahil sa kaliwa’t kanang school projects, exams, at extra-curricular activities.

Ang malaking tanong ay kung paano nila napagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho, isabay mo pa ang kanilang social life.

Hindi lang pera ang kailangang i-budget kundi maging ang oras. Na­rito ang apat na simpleng paraan upang maging matagumpay na working student:

ITAPON NA ANG IYONG TO-DO LIST

Karaniwan sa atin  ang paglilista ng mga gagawin at kapag natapos na itong gawin, nilalagyan natin ng check.

Sa ganitong pamamaraan, hindi natin naisasaalang-alang ang oras. Kaya’t mas epektibong paraan ay ang paggawa ng calendar o time frame. At maiging isaisip ang tatlong bagay na na mahalaga at kailangang tapusin sa buong araw.

Dito ay hindi mo pahihirapan ang iyong sarili na gawin ang mga bagay ng sabay-sabay at mauuna mong gawin ang kung ano talaga ang importante.

“Work hard but mostly you need to work smart.”

3-15 RULE

Maituturing na malaking kasalanan ang hindi pagsilip sa social media accounts ngayon lalong-lalo na sa mga millennial.

Ngunit kung ikaw ay isang working student, matutong disip­linahin ang sarili na huwag magbabad sa iyong social media accounts. Limitahan sa kada tatlong oras ang pagtsek sa mga ito sa loob lamang ng 15 minuto. Sa gayon ay hindi nito kinakain ang iyong oras na dapat na naisasagawa mo ang mga bagay na mahalaga o prayoridad.

MATUTONG HUMINDI

Kung ikaw ang tipo ng tao na palaging “oo” ang sagot sa pag-aya ng mga kaibigan sa galaan, tipo ng tao na tanggap lang nang tanggap ng trabaho mapa-eskuwela man iyan o sa pinagtatrabahuan, siguradong magiging magulo ang iyong schedule.

Hindi masamang humindi, dahil sa totoo lang ay isang pa­raan ito ng pag-oo sa mga bagay na mas mahalaga at kailangang unahin. Huwag matakot humindi sa ngayon, dahil marami pang pagkakataon.

DO WHAT MAKES YOU HAPPY

Huwag kalilimutang gawin kung ano ang nagpapasaya sa ’yo. Ugaliing iiskedyul ang paglabas kasama ang mga kaibigan.

Bigyan ang sarili ng reward dahil sa magandang performance sa trabaho o magandang grado sa eskuwela.

Sa ganitong paraan ay binibigyan mo ng motibasyon ang sarili mo na gawin pa ng mas mahusay ang iyong mga gawain.

Masigasig na pagsunod sa iskedyul ang sagot kung paano makakamtan ang balanseng buhay nang pagiging estud­yante at empleyado.

Idagdag mo pa ang disiplina sa sarili at pagpupursige, tiyak na mas magiging magaan ang iyong pagiging pang-araw-araw na buhay. (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO

 

Comments are closed.