PAANO MO SISIMULAN ANG 2022?

SA pagtatapos ng holiday season, maaaring pagod tayo sa mga selebrasyon na nagawa nating puntahan sa gitna ng pandemya. Kaya naman tama lamang na maglaan tayo ngayon ng maiksing panahon para sa katahimikan at pagninilay. Ang mga eksperto sa larangan ng self-improvement ay madalas na nagpapayong mainam gawin sa panahong ito ang pagsusuri sa sarili at paglalatag ng mga bagong istratehiya. Pag-aralan natin kung ano-ano ang mga bagay na epektibo at alin ang hindi sa nagdaang taon at planuhin natin ang 2022 base sa mga ito.

Tamang pagkakataon din ito upang suriin ang ating pampinansyal na estado, personal man o sa ating mga organisasyon at negosyo, kung mayroon man. Ayon sa isang pag-aaral, ang mga karaniwang layuning pampinansiyal na itinatakda ng karamihan ay ang mga sumusunod: pagbabayad ng mga utang, pag-iipon para sa mga biglaang pangangailangan at para sa pagreretiro, at ang mas maayos na pagbabadyet ng salapi.

Maaari nating gawin ang sarili nating listahan siyempre, pero babala ng mga eksperto, upang matupad natin ang mga ito, kailangan umano nating pagtuunan ng pansin ang dahilan kung bakit natin nais gawin ang mga ito. Sa paglilista natin ng ating mga layunin, pampinansiyal man o hindi, kailangang klaro sa atin mismo kung ano ba ang ating mga intensiyon kung bakit nais nating makamit ang mga bagay na ito.

Mayroon laging karunungan tayong matututunan mula sa mga kagaya ni Confucius, na siyang nagsabing kung hindi umano makamit ang mga layunin, huwag palitan o baguhin ang layunin. Bagkus, baguhin ang mga hakbang para makamit ito. Kung ang ilan sa mga 2021 resolutions natin ay hindi natin nagawa, maaaring hindi makatuwirang gumawa ng mga bagong resolusyon ngayong 2022. Baka mas mainam na maghanap ng mga bagong paraan upang makamit pa rin ang lumang adhikain.
(Itutuloy…)