(Pagpapatuloy…)
At kung mayroon mang mga bagay na hindi nagawa nitong 2021, gamitin natin ang buwan ng Enero upang tapusin ang nasimulan. Hindi maganda sa pakiramdam ang may naiwang nakabitin. Upang magawa ito, magplanong maigi at umaksyon nang may kamalayan. Pwede rin namang nakalimutan lamang natin ang ating layunin. Kung gayon, ang tamang gawin ay paalalahanan ang sarili tungkol sa orihinal na adhikain at mga minimithing resulta. Kadalasan ay sapat na ito upang ganahan tayong muli.
Kailangan din nating maging matalino sa pagtatrabaho sapagkat hindi sapat ang tiyaga lamang.
Kabilang dito ang pagtuon ng ating pansin sa mga aktibidad na makapagbibigay sa atin ng pinakamalaking ganansiya sa pangmatagalan, kaysa sa mga maliliit na bagay sa ating to-do list. Ang mga eksperto sa pangangasiwa ng trabaho ay nagbibigay ng suhestiyon: Unahin ang tatlong pinakamahalagang layunin sa umaga ng bawat araw. At hatiin ang gawain sa 90-minutong iskedyul upang makamit ang pinaka-epektibong konsentrasyon. Dahil kung mas mahaba pa umano rito ang igugugol na panahon para sa iisang gawain ay mababawasan ang ating matamang pansin.
Umaasa akong kahit papaano’y makatulong ang mga tips na ito upang maging mag matagumpay ang ating 2022. Sa unang linggo ng buwang ito, maaari tayong magsagawa ng tinatawag na spring cleaning.
Ang pisikal nating paligid pati na ang ating digital world ay kailangang linisin para naman ang ating espasyo ay maging maaliwalas at handa para sa mga proyekto at gawain na nakalinya para sa atin ngayong taong ito. Manigong Bagong Taon sa lahat ng aking mambabasa. Nawa’y basbasan tayong lahat ng isang matagumpay, ligtas, at pinagpalang 2022!