PAANO NAGKANEGOSYO ANG ISANG EMPLEYADO

rene resurrection

SI MARISSA ay isang empleyado ng paaralan sa Scout Madriñan St., Quezon City.  Mayroon siyang sideline na negosyong prepaid loading ng iba’t ibang mobile phone loading companies tulad ng Smart, Globe, Sun, Red, TM, TNT, PLDT, internet at internet gaming.  Siya lang ang tanging empleyado ng kanyang negosyo.  Sinimulan niya ito noong 2014.  Tinanggap niya si Jesus bilang Panginoon at Tagapag­ligtas noong 1999.  Mula noon, ginagamit na niya ang panahon niya para maglingkod sa Panginoon sa loob at labas ng iglesya at sa opisina niya.  Nakapagtapos siya ng Master’s degree.

Inudyukan siya ng mga kaibigan niya na pumasok sa negosyong ito dahil malaki ang demand para rito. Binigyan siya ng simpleng orientation program mula sa isang loading company.  Ang masayahin at palakaibigan niyang pagkatao at ang impluwensiya niya sa paaralan ang nag-aakit ng mga customer.  Kahusayan, karunungan, kahusayan sa pagharap sa tao, takot sa Diyos, pag-aaral ng kanyang negosyo, at pagpapayo ng mga kaibigang mas matagal na sa loading business ang na­ging malaking tulong para magtagumpay ang kanyang negosyo.

Para makaakit siya ng mga customer, ginagamitan niya ng rekomendasyon ng mga kakilala at pakikipag-networking sa komunidad at sa paaralan.  Laging nasa tamang oras ang paghahatid niya ng produkto o serbisyo sa mga customer.  Para magkaroon ng capital sa negosyo, namumuhay siya nang simple at lagi siyang nag-iipon.  ‘Pag may problema, lagi siyang humihingi ng payo mula sa mga kaibigang may parehong negosyo.

Kaya siya nagnegosyo ay para magkaroon ng dagdag kita at para makatulong sa paaralan niya, lalo na sa mga estudyanteng walang mapagkunan ng kanilang mobile texting load.  Mahirap makahanap ng load station sa lugar nila.  Napakahalagang mayroon nang negosyo niya sa paaralan sapagkat ang produkto niya ay napakain demand.  Hindi nito kailangan ng malaking capital, walang kakompetensiya at mala­king serbisyo ang naibibigay niya sa maraming mga tao.  Pinahintulutan siya ng paaralan na patakbuhin ang kanyang negosyo.

Sa pamamagitan nito, kumikita siya ng mas malaki at nakapaglilingkod siya sa mga taong nangangaila­ngan ng kanyang serbisyo.   Marami ring problema ang negosyo.  Sabi ni Marissa, ang negosyo ay laging may risgo; walang katiyakan ng tagumpay.  Kaya kung takot ang isang tao sa risgo, mabuti pang huwag na lang siyang pumasok dito.  Kapag ang isang tao ay mas­yadong nagmamadaling kumita, maaaring maging mapagmahal siya sa pera.  Ang sobrang pagtutok sa negosyo ay maaaring mauwi sa pagkasira ng relasyon sa kapwa-tao, lalo na kung pera na ang mahalaga sa kanya.

Ang pinakagabay ni Marissa sa pagnenegosyo ay ang takot sa Diyos.  Ang kaalaman niyang nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay ay nag-uudyok sa kanyang maging tapat sa serbisyo; huwag dapat mandadaya. Ang gusto niya ay mabigyan ng kaluwalhatian ang Diyos sa lahat ng kanyang ginagawa. Ang Biblia ay itinatrato niyang manwal para sa wastong pagpapatakbo ng negosyo.  Ito ang nagtuturo sa kanya ng kung ano ang kalooban ng Diyos ukol sa wastong pamumuhay.

Ang mga talata sa Biblia na ginagamit niyang gabay sa pagnenegosyo ay ang mga ito:  Sinasamahan ng Diyos ang lahat ng mga mapagbigay, nagpapahiram nang maluwag, at ginagawa ang kanilang mga gawain nang may katarungan (Psalm 112:5).  Ang perang galing sa kasamaan ay madaling nawawala, subalit ang nag-iipon nang pera nang paunti-unti ay ang nagpapalaki nito (Proverbs 13:11).  Ang nang-aapi sa mga maralita para palakihin ang kanyang kayamanan at ang mga nagbibigay ng regalo sa mayayaman – ay kapuwa mauudlot sa karalitaan (Proverbs 22:16).  Mga amo, bigyan niyo ang mga alipin niyo nang kung ano ang tama at nararapat, dahil alam niyong kayo rin ay may amo sa langit (Colossians 4:1).

Ang negosyo ay maaaring maging kapartner ng simbahan para magawa ang gawain ng Diyos, tulad ng itinuro ni Apostol Pablo sa Biblia.  Makatutulong nang malaki ang mga negosyante para mapondohan ang mga misyon.  Kapag magtutulungan ang mga nagsusugo at ang mga humahayo sa misyon ay lalong uunlad ang simbahan.

Sa pamamagitan ng negosyo, tinuturuan ng Diyos si Marissa ng tiyaga, pagbibigay, karunungan, wastong paggamit ng pa­nahon, pag-iipon, ang kaha­lagahan ng relasyon sa tao ng higit kaysa sa pagkakamal ng pera, at pagtatanim sa mga misyong “matabang lupa.”  Ayon kay Marissa, ang sikreto para matanggap ang pagpapala ng Diyos sa negosyo ay ang pagi­ging masayahin, matalino at ang anonymous giving (pagbibigay ng hindi nag-aakit ng papuri), at paghahasik sa gawain ng Diyos.

Ang mga balakid sa paglago ng negosyo ay ang ugaling palautang ng maraming mga customer at ang matagal nilang pagbabayad.  May posibilidad na magsara ang negosyo niya kung darami ang mga malalaking loading station na kakomptensiya niya.

Ang pilosopiya ni Marissa ay ito: “Nagiging maralita ang nagtatrabaho ng may tamad na kamay, subalit ang kamay ng masipag ay yumayaman.”

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.