PAANO NGA BA MAGIGING MABUTING KATRABAHO?

TRABAHO ang hangad ng ma­rami sa atin. Lahat ng paraan ay ginagawa upang magkaroon lang ng trabaho. Pero hindi rin lahat ng trabaho o opisina, masasabi na­ting maganda o matiwasay. Mayroong ma­gulo o nakaiinis na opisina. Hindi rin lahat ng katrabaho, masasabi na­ting makakasundo natin. May ilan na puwedeng siraan tayo lalo na kung mas higit ang kakayahan natin sa kanila. May mga katrabaho rin namang tutulungan kang gumaling sa karerang pinili mo sa buhay.

Isa sa mahirap ha­napin lalo na sa panahon ngayon na kayraming kakompetensiya ay ang trabaho. Kaya kayhirap ding bitawan kapag nagkatrabaho tayo sabihin mang kaliwa’t kanan ang problemang kinahaharap natin.

Klase-klase ang problema sa opisina. Puwedeng tungkol sa trabaho ang problemahin natin. Maaari rin namang katrabaho ang isa sa dahilan kung kaya’t nahihirapan tayo at nag-aasam na umalis na lang para walang gulo.

Oo, kaydaling magdesisyong umalis. Pero kailangan mo ring pag-isipang mabuti ang gagawing desisyon para hindi mo pagsisihan.

Sadyang hindi nga naman talaga nawawala ang mga problema sa opisina. Sa kahit na anong opisina, mayroon talagang magkakatrabahong magkakasundo at mayroon ding hindi. Pero sabihin mang hindi mo nakakasundo o gusto ang ilan sa mga katra­baho mo, narito pa rin ang ilang tips kung paano magiging mabuting kaopisina o katrabaho:

GUMALANG SA KASAMAHAN SA OPISINA

Napakaimportante ng paggalang at pagrespeto sa mga kasamahan sa opisina. Isa itong pundasyon upang maging maayos ang pagsasama bilang magkakatrabaho. Isa ito sa dapat na kasanayan ng maraming magkakatrabaho upang maiwasan ang sigalot na maaaring umikot sa pinagtatrabahuan.

Hindi nawawala ang pagkakagalit sa opisina. Pero sabihin mang may samaan kayo ng loob ng katrabaho mo, kailangan mo pa ring igalang siya at irespeto. Kumbaga huwag ka namang ma­ging bastos dahil lang sa galit ka sa kanya. Maging propesyunal ka lalo na kung trabaho ang pinag-uusapan. Huwag personalin ang mga bagay-bagay.

TUMULONG SA MGA KASAMAHAN

KATRABAHOIsa rin sa magandang gawin ay ang pagtulong sa mga katrabahong na­ngangailangan ng tulong. Oo may ilan na nagigipit. Walang masama ang tumulong lalo na kung may maitutulong ka naman. Mas masarap sa pakiramdam iyong nakatutulong ka imbes na ikaw ang humihingi ng tulong.

Pero kilatisin din muna ang katrabaho kung talaga nga bang nangangailangan ito ng tulong. Huwag din namang pumayag na malamangan. May ilan kasi nakasanayan na ang humingi ng tulong kahit na hindi naman talaga nangangailangan.

IWASAN ANG PAGTATAAS NG BOSES SA KATRABAHO

Kung minsan ay ginagamit ng ilan ang kanilang posisyon para ipakitang mas mataas ang katungkulang mayroon siya. Oo, may karapatan kang magalit o sitahin ang katrabaho mo. Pero iwasan namang sigaw-sigawan ito at ipahiya. Hindi mabuti ang ganitong pag-uugali. Mas ipinahihiya mo lang ang sarili mo sabihin mang mas mataas ang posisyong mayroon ka. Hindi porke’t mataas ang posisyon mo, may karapatan ka ng mangyurak ng kapuwa.

Kung masasanay ka sa ganitong pag-uugali, tiyak na liliit ang mundo mo. Tiyak na magkakaroon ka ng kaaway sa iyong pinagtatrabahuang kompanya.

Mag-isip din muna bago gumawa ng aksiyon.

Kung hindi naman naiwasan at nasigawan ang kasamahan sa trabaho,  magpakumbaba at humi­ngi ng paumanhin. Kausapin siya sa maa­yos na paraan. Tandaan, walang hindi naaayos na problema kung maayos itong pinag-uusapan.

HUWAG MANINIRA NG KAPUWA

Okey, tsismisan din ang isa pa sa hindi nawawala sa opisina. Hindi naman talaga nawawala ang ganitong pag-uugali. May mga tao talagang ang ikinasisiya ay pag-usapan at pagtsismisan ang buhay ng iba.

Kung gusto mo ng matiwasay na opisina, iwasan ang paninira ng kasamahan sa trabaho. Huwag makipag­tsismisan. Mas piliing magtrabaho kaysa sa ang makapanakit ng kapuwa.

MATUTONG MAKIPAG-USAP SA MGA KASAMAHAN

Pag-uusap ang isa sa magandang  paraan upang maayos ang mga hindi pagkakaunawaan. Kaya kung may hindi pinagkakasunduan, subukan ninyo itong pag-usapan baka sakaling maayos. Kung hindi naman mawala ang galit na nanahan sa inyong mga puso sakaling nakapag-usap na kayo, maging propesyonal na lang at gawin ang nakaatang na trabaho. Umiwas na lang din para walang gulo.

Hindi rin naman kasi natin masasabing lahat ng problema ay naaayos kaagad. Minsan, kailangan nating hayaan ang panahong umayos nito.

AMININ SAKALING NAKAGAWA NG PAGKAKAMALI

May ilan na kahit na nakagawa ng pagkakamali, hindi umaamin. Kung alam mo namang nakagawa ka ng pagkakamali, matutong humingi ng tawad. Huwag dededmahin ang mga bagay-bagay lalo na kung konektado ito sa mga kasamahan mo sa trabaho. Matuto ring magpakumbaba.

LUMABAS AT MAGSAYA KASAMA ANG KAOPISINA

Mainam din kung paminsan-minsan ay lumalabas kayo ng mga kasamahan mo sa opisina at nagsasaya. Mabu­ting paraan itong upang magkalapit kayo ng mga katrabaho mo at makapag-relax kayo.

MAGTRABAHO NG MAAYOS

KATRABAHOImportante rin siyempre ang pagtatrabaho ng maayos. Para nga naman ikatuwa ka ng mga kasamahan mo, gampanan mo ng maayos ang nakaatang sa iyong gawain. Huwag kang tatamad-tamad. Huwag ka ring umasa sa mga katrabaho mong gawin ang nakaatang sa iyong gawain.

Maraming paraan upang maging mabuting katrabaho. Marami ring paraan para maiwasan ang sigalot sa opisina. At ang mga paraang iyan ay nasa kamay ng magkakatrabaho.

Masarap magtrabaho kung matiwasay ang lugar na pinagtatrabahuan. Kaya naman, hangga’t maaari gumawa ng magandang paraan para hindi magkagulo-gulo ang isang opisina. Higit sa lahat, huwag na huwag magsisimula ng problema. (photos mula sa google)  CS SALUD

Comments are closed.