(Ni CT SARIGUMBA)
KAILANGANG maglaan tayo ng panahon sa ating sarili. Hindi puwedeng puro na lang trabaho ang aatupagin natin. Mahalaga ring nakapagre-relax tayo at nakapag-e-enjoy sa buhay.
Mahirap din kasi iyong trabaho lang tayo nang trabaho at hindi nagpapahinga. Kung puro trabaho ang iniisip o ginagawa natin, madali tayong mapapagod at higit sa lahat, maaaring maging bugnutin tayo’t mainis o ma-burn out sa ginagawa.
Kaya’t importanteng nakapagpapahinga tayo o naglalaan ng panahong makapag-relax nang ma-refresh, hindi lang ang katawan gayundin ang isipan.
Sa pamamagitan din ng pagpapahinga at pagre-relax, nagiging malinaw ang ating isipan. At sa pagbabalik natin sa trabaho, marami tayong bagong ideya na maiaambag. Mas excited din tayong magtrabaho. Mas pinaghuhusay rin natin ang bawat gawaing nakaatang sa atin.
Isa sa paraan ng marami upang makapag-relax at ma-enjoy ang buhay ay ang pagta-travel. Kaligayahan nga naman ang dulot sa atin ang makarating sa iba’t ibang lugar at masilayan ang angking ganda nito.
May ilan na mag-isang nagta-travel. Ngunit marami rin naman ang pinipiling magkaroon ng kasama. Kapag may kasama, mas masaya nga naman. Saka, hindi ka rin kakaba-kabahan sa pagtungo sa ibang lugar na bago sa iyong paningin.
At sa mga mahilig mag-travel nang may kasama, narito ang ilang tips upang maiwasan ang problema:
PAGPLANUHANG MABUTI ANG GAGAWING PAGTA-TRAVEL
Mahalaga ang pagpaplano. Pero hindi lamang dapat na iisang tao ang magpaplano kundi lahat ng mga kasama sa gagawing pagta-travel.
Kumbaga, isaalang-alang ang saloobin at nais ng mga kasama. Ibig sabihin, hindi mo lang gusto ang dapat na masunod. Kundi gusto ng lahat ng makakasama mo. Pagdating sa lugar na pupuntahan at mga gagawin, pag-usapan itong mabuti at pagkasunduan.
Mas magiging maalwan din ang pagliliwaliw kung nakaplano at napagkasunduan ng lahat ang pupuntahan at gagawin.
Pumili rin ng destinasyon na gusto ng buong grupo nang walang maging problema. O walang sumama ang loob.
HUWAG MASYADONG MAGING STRICT SA SCHEDULE
Kapag magta-travel o magtutungo sa ibang lugar, may mga schedule tayong ginagawa at hangga’t maaari, nais natin iyong masunod.
Gayunpaman, maraming nangyayaring aberya o hindi inaasahan sa pagbiyahe. Halimbawa na lang ang pagkaka-delay ng flight.
Hindi kailangang maging strict sa schedule. Luwagan ang schedule nang mas makapag-enjoy.
Kung minsan kasi, nababago natin ang napag-usapan. Maging open o flexible sa mga pagbabago. Dahil hindi naman ito naiiwasan.
Maging considerate din tayo sa pakiramdam o nararamdaman ng kasama natin.
MAGING OPEN-MINDED
Importante rin ang pagiging open-minded lalo na kung magta-travel ng mayroong kasama. Unang-una, iba-iba ang ugali, gusto at kinalakihan ninyo ng iyong mga kasama—kabarkada man iyan o katrabaho. Habaan ang pasensiya at intindihin sila hangga’t kaya.
Mainam din kung didiskubre ng mga bagong bagay at pagkain nang higit na maging masaya at katangi-tangi ang paglalakbay.
POSITIVE ATTITUDE
Napakahalaga rin ng pagkakaroon ng positive attitude. Alam naman nating maraming nangyayari nang hindi inaasahan.
Pero kung mananatiling positibo sa kabila ng mga negatibong nangyayari o hindi kagandahang nangyayari habang naglalakbay, malalampasan at magiging maayos ang lahat at maiiwasan ang stress.
MAG-STICK SA BUDGET
Hangga’t maaari rin ay mag-stick lang sa inilaang budget. Bago pa lang umalis o magplanong mag-travel, may nakalaan na tayong budget. May mga nakaplano na rin tayong bilhin.
Pero minsan, dahil sa sobrang dami nating nakikitang maganda, napalalakas ang paggastos natin at bumibili tayo ng mga kung ano-ano na wala sa plano.
Importanteng napipigil natin ang ating paggastos. Hangga’t maaari, kung magkano lang ang inilaan natin ay iyon lamang ang gastusin.
May mga kasama rin na humihiram ng pera lalo na kung naubos na ang budget niya’t may nais siyang bilhin.Puwede naman ang magpahiram kung hindi mo gagamitin o kakailanganin ang pera. Kumbaga, puwede kang magpahiram.
Puwede rin naman ang hindi kung wala kang maipahihiram.
Ipaalam din sa simula pa lang na may nakalaan ka lang na budget sa pagliliwaliw ninyo at nais mong mag-stick doon.
Maraming paraan para maging masaya at matiwasay ang pagta-travel. Nasa iyo ‘yan. Nasa inyo ng mga kasamahan mo. (photos mula sa livingnomads.com, alphacarhire.com.au, stevebrownapts.com)
Comments are closed.