PAANO NGA BA PAIIGTINGIN ANG SAMAHAN NG MAGKAKATRABAHO?

MAGKAKATRABAHO-3

(ni CT SARIGUMBA)

MAY kanya-kanyang ugali ang bawat tao. At dahil diyan, malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga bagay na hindi nila napagkakasunduan. Pero kahit na sabihin nating ayaw natin sa isang tao na katrabaho pa man din natin, kailangang mag-effort pa rin tayo para magustuhan sila. Para ma­ging maayos ang samahan at relasyon ninyo bilang magkatrabaho.

Sa buong araw, mas madalas nating nakakasama ang ating mga katrabaho kaysa sa ating pamilya o mahal sa buhay. Kaya marapat lamang na magkaroon tayo ng malalim at maayos na pakikitungo sa kanila.

Napakahalaga ng pagkakaroon ng mabuti o maayos na ugnayan sa mga kasamahan sa trabaho. Sa ganitong pa­raan kasi ay lalo ninyong maipakikita ang inyong kakayahan. At ang ma­buting relasyon sa katrabaho ay nagreresulta ng magandang performance. Mas mailalabas ang kakayahan ng bawat employee kung magkakasundo sila ng mga kasamahan niya. Dapat din ay mayroong pagkakaunawaan at simpatiya sa isa’t isa ang bawat miyembro nito.

May ilan sa mga katrabaho natin ang maaaring hindi natin makasundo dahil hindi natin sila maintindihan o dahil tayo ang hindi nila maintindihan.

Sa ayaw at sa gusto natin, kailangang ma­ging propesyunal tayo at pakisamahan natin sila ng maayos. Dahil diyan, na­rito ang ilan sa tips upang magkaroon ng maayos na workplace at mapagtibay ang samahan ng bawat magkakatrabaho:

IWASAN ANG PAKIKIPAGTSISMISAN AT HUWAG MANIRA NG KAPWA

Hindi nawawala ang tsismisan sa opisina. Isa ang pakikipagtsismisan at paninira ng kapwa sa nagiging dahilan kaya’t nag-aaway ang magkakatrabaho.

Kaya dapat ay iwasan ito nang hindi magkaroon ng lamat ang samahan ng isang opisina. Mas mahirap din ang pagkakaroon ng kaaway sa opisina dahil hindi magagawa ng maayos ang kailangang gawin.

May ilang tao rin na kapag kaharap ang isang katrabaho, napakabait. Pero sa pagtalikod nito, sinisiraan naman.

Iwasan ang ganitong gawain dahil wala itong maitutulong upang mapabuti ang relasyon ng magkakatrabaho.

ALAMIN ANG PUNO’T DULO NG PROBLEMA

Kapag din may naglalabasang isyu, magtimpi at huwag agad magagalit. Alamin muna ang problema bago mag-react. May ilang nadadala ng bugso ng damdamin at may marinig lang na hindi maganda, nagagalit na kaagad.

Hindi lahat ng na­ririnig natin ay masasabi nating totoo. Kaya naman, alamin muna ang problema bago umaksiyon. Mainam din kung hahanapan ng solusyon ang problema kaysa sa palakihin pa.

MAKIPAG-USAP NG MAAYOS AT HUWAG MAGTAAS NG BOSES

Pakikipag-usap ng maayos, isa rin itong mahalagang factor upang maitayo ang magandang samahan sa pagitan ng mga katrabaho. Importante ang pakikipag-usap ng maayos.

Kung sakali ring may kinahaharap na isyu o hindi pagkakaunawaan, iwasan ang pagtataas ng boses dahil wala itong maidudulot na maganda. Hindi rin porke’t nagtataas ka ng boses ay matatakot na ang mga katrabaho mo o nakalamang ka sa kanila.

Mas negatibo pa nga ang dulot ng pagsigaw dahil nangangahulugan itong hindi mo kayang i-handle ng maayos ang mga sensitibong bagay o problemang kinahaharap.

Nagiging dahilan din ng mitsa ng magkakatrabaho ang pagtataas ng boses.

Lagi ring isaisip na kung gusto nating mapakinggan ay dapat munang matuto tayong makinig. Piliing mabuti ang mga salitang gagamitin. Sika­ping ipaliwanag ang iyong panig ng mahinahon at magalang.

MAGING KALMADO AT MAGING  MAPAGPASENSIYA

Pagiging mahinahon ang pinakamabisang sandata natin sa araw-araw. Kaya naman, sanayin ang sariling maging kalmado at mahinahon sa lahat ng oras at pagkakataon.

Maaari tayong ma-stress sa trabaho at pati  na rin sa ating mga katrabaho kaya dapat lamang na kaya nating i-handle ang ating sarili.

Habaan ang pasensiya upang maiwasan ang pag-init ng ulo na maaa­ring maging sanhi ng pag-alat ng relasyon sa mga kasamahan. Kailangang matuto rin tayong kontrolin ang ating emosyon. Laging tandaan na kailanman ay walang mabuting nai­dudulot ang init ng ulo.

Kaya maging mahinahon at kalmado para makapag-isip ng tama at makapagdesisyon ng maganda.

LUMABAS KASAMA ANG MGA KATRABAHO

Isa pa sa mainam gawin ay ang paglabas kasama ang mga katrabaho pagkatapos ng bawat gawain.

Isa itong mabisang paraan para magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa mga katrabaho. Subukang mag-ayang kumain sa labas o sa inyong bahay.

Kung may mga bakanteng araw naman, maaaring mag-set ng mga swimming o party. Malaki ang tiyansang mas magustuhan ng mga katrabaho dahil sa mga ito.

SUBUKANG UNAWAIN ANG MGA KASAMAHAN SA TRABAHO

Subukan din nating unawain ang ating mga katrabaho kahit pa sobrang hirap silang intindihin o may mga ugali silang hindi katanggap-tanggap.

May dahilan kung bakit masama o kung minsan ay nagtataray ang kasamahan natin sa trabaho. Lahat naman tayo ay may mga pinagdaraanan sa buhay. May mga problema tayo sa relasyon at sa bahay. Kaya naman, pilitin na­ting unawain ang ating mga katrabaho. Unawain sila. Ilagay ang sarili sa kanilang kalagayan upang mas maintindihan sila. Ito ang pinakasimple ngunit pinakamahalagang hakbang sa isang pagsasama.

Mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na ugnayan sa ating mga kasamahan sa trabaho. Kaya’t sikaping maging maayos ang inyong samahan bilang magkakatrabaho. (photos mula sa nst.com.my, foundersguide.com, contentconnection.prsa.org at google)

Comments are closed.