SA PANAHON ngayon, ‘di ka makakaestablisa ng isang startup kung walang halong teknolohiya ang pag-set up mo nito.
‘Di dahil may social media ka, teknolohiya na itong matatawag. Marami pa kasing puwedeng gawin na ang pakay ay automation, support, tulong sa proseso, o kaya ay systems analysis. Kung anuman ang iniisip mong hakbang, alalahanin ang ilang tips na ito:
#1 I-assess ang Startup
Tingnan mong maigi ang mga gawain ng negosyo mo. Sa anong mga area ng startup mo ang kaya naman ng tauhan mo at kung saan mas makatitipid ka. Ang unang tinitingnan kasi ay ang productivity ng mga tao o kaya ay ang ROI (return on investment) ng isang tao versus tech solution. Tingnan mo ang kasalukuyang gamit mong teknolohiya kung ok ba o hindi. Baka naman kailangan lang ng upgrade. Magdesisyon ng susunod na hakbang pagkatapos mong i-assess ang mayroon ka ngayon ng naaayon sa tauhan na mayroon ka.
#2 I-assess ang mga Tauhan
Maraming klaseng tech na kayang palitan o higitan ang gawain ng isang tao. Madalas, mga trabahong paulit-ulit at walang kasamang malalim na pag-analisa ang mga gawaing ito. Halimbawa ay ang simpleng Quick Books o Zero na parehong accounting software. Mas napabibilis kasi ang accounting kung kahalili ang tech tools na ito. Minsan, ‘di naman ganap na tech ang kailangan kundi outsourcing lang na.may kasamang tech lang sa pag-monitor. Kamakailan, nalaman ko na mas mainam na naka-outsource ang pagkuha ko ng content para sa negosyo kong may kinalaman sa pamamahala ng blogs. Dahil global ang mambabasa ko, napagtanto ko na maraming contributors pala ako kaya lumalaki kami nang ‘di ko naman kailangan ng in house writer. Ang pag-track lang ng mga contribution ang kinailangan ko. Kaya naman nang mag-resign ang isang writer ko, ‘di ko na siya pinalitan. Gumagamit na lang ako ng technology na siyang nagta-track ng contributions.
#3 Training ng Staff
Kung nakapagdesisyon ka nang gumamit ng teknolohiya sa negosyo mo, siguraduhin ang tamang training ng mga staff mo na gagamit at makikipag-ugnayan dito. May isang unibersidad akong alam na nagpalit ng isang sistema niya na milyon-milyon ang halaga. ‘Di naihanda ang training ng staff na gagamit nito kaya mahigit isang taon daw itong natengga. Sayang ang pera.
#4 Magkaroon ng Back-up na Plano
Huwag basta-basta ipaubaya sa teknolohiya ang lahat ng gawain ng negosyo o startup mo. Kung walang backup plan, baka magsisi ka. Halimbawa, sa blogs ko, dapat siguradong may physical backup ako. Ilang beses na ring inatake ng hackers ang mga ito kaya laging may backup plans ako. Ganoon din sa ERP systems na nakakonekta sa maraming bahagi ng negosyo mo. Kung biglang bumigay ito, paano na? Madalas, ang mga supplier ng tech ay may mga warranty at guarantee. Suriin ang mga ito at mag-tanong hanggang ok ka na sa paliwanag.
Ang teknolohiya ay mahalang parte ng negosyo. Magsaliksik, magtanong-tanong at subukan muna bago sumabak nang tuluyan. Pero sa huli, malaking tulong ito sa pagnenegosyo.
oOo
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin sa Facebook.com/thepositivevibespage.
Comments are closed.