PAANO SIGURADUHING MAGTATAGUMPAY ANG STARTUP NEGOSYO MO – 6 NA TIPS

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan.  Kung kasama ka sa mga nawalan ng trabaho,  sana naman ay nakapaghanap ka na ng ibang pagkakakitaan. Sa buhay, ang mga ganitong sitwasyon ay maaaring maging paraan upang makahanap ng mga oportunidad na magpapabago ng kinabukasan mo. Sa pagkakataong ito, baka naman patungo ka  sa isang matagumpay na startup na negosyo. Narito ang ilang tips upang masigurong ‘di ka babagsak.O siya, tara na at matuto!

#1 Alamin ang tunay na layunin mo sa buhay at sa negosyo

Maraming nag-uumpisa ng negosyo na iisa lang ang layunin nila  – ang kumita ng pera. Kung iyan ang mis-mong malalim na layunin mo sa pagnenegosyo, ‘di ka magtatagumpay. Bakit? Kasi lahat ng tao ay iyan ang hi-nahanap hanggang sa dulo ng buhay nila – ang tunay na layunin nila sa mundo. Noong araw, iyan din ang naisip ko bilang isang layunin – ang yumaman. Ngunit noong nandoon na ako sa rurok ng tagumpay, nalaman ko na wala rin palang tunay na saya o kaligayahan o kapayapaan sa taas. May kulang pa pala. Noong makita ko na ang layunin ko sa buhay ay tulungan ang mga SME at MSME na magtagumpay, umungos pa ang aking mga ne-gosyo at alam kong natagpuan ko na talaga ang layunin ko. Hanapin mo iyan sa pagmumuni-muni mo. Magdasal ka at hanapin ang tamang direksiyon. Balewala ang mga susunod na ilalahad ko dito kung sa layunin (purpose) mo pa lang ay wala ka nang malinaw na sagot.

#2 Itayo ang negosyo nang naaayon sa nais mo sa buhay

Kadikit nito ang layunin o hangarin mo na nailahad ko sa itaas. Ang pag-alam mo sa mga nais mong gawin na nagpapasaya sa iyo ay mahalaga. Bata pa ako noon, mahilig akong magbasa at magsulat. Tila ba na nasa ibang mundo ako lalo na kung may mga problema aong kinakaharap. Doon ko ibinabaling ang lahat. Nang lumaon, napadpad ako sa larangan ng paglalathala ng mga libro  at magasin. Naharap ako sa iba’t ibang aspeto ng paglilimbag ng mga babasahin. Napunta rin ako sa larangan ng advertising kung saan naitagni-tagni ko ang nego-syong pumapaloob sa industriyang ito. Noong mapasok ako sa mundong digital, dito ko nakita na maaari kong maisakatuparan ang ginagawa kong trabaho at mga mahal kong gawain sa iisang negosyo. Nag-umpisa ako sa blogging. Ito na ngayon ang pumapaloob sa negosyo ko.

#3 Manalig ka

Ang pananalig sa sarili mong kakayahan at sa kakayahan ng iba ay kritikal sa tagumpay mo sa iyong startup. Kung nawalan ka ng tiwala sa sarili, talo ka na sa umpisa pa lang. Kahit pa walang naniniwala sa iyo, pero nanini-wala ka sa sarili mo, panalo ka na. Noong 2014, bumagsak ang isang negosyo kung saan ako ang pinuno. Bumalik agad ako sa pag-blog. Tinatanong ako ng asawa ko noon kung ano ang ginagawa ko. Sabi ko, matapos kong magdasal, tila ang sabi ng Diyos sa akin, na gawin ko lang ito. Makalipas ang ilang buwan, may bumili ng blogs ko. Nakabuo pa ako ng iba sa ibang bansa at nabuo ang network ko ng mga blog na namamayagpag ngayon sa iba’t ibang bansa. Nagtiwala ako sa Diyos at sa sarili kong kakayahan, na kakayanin kong magtagumpay.

#4 Bumuo ng matibay na team

Ang isang kabuhayan namin ngayon ay nakasalalay sa matibay na team na nabuo ko noong isang taon bago tumama ang pandemya. Hinamon ko ang tatlong kabataang nagtatrabaho sa akon noon na makipag-partner sa akin sa isang negosyo. Sumama sila sa akin at ngayon, sila ang pinaka-core ng team. May mga nadagdag na rin ngunit ang core team ang siyang nakatutulong nang malaki sa negosyong nabuo namin. Ngayon, lumalaki na ang negosyo dahil na rin sa pagiging magkakaugnay ng mga gawain. May maayos na sistema at alam na namin  paano palakihin ang negosyo. Sa gitna ng lahat ng ito, ang  pananalig sa isa’t isa na kakayanin ang pag-ungos ng negosyo.

#5 Ipagpatuloy ang pag-aaral

Ito  na siguro ang isa sa pinakamahalagang aspeto upang magkaroon ng matagumpay na negosyo at mahihirapang pabagsakin, Lalo na ngayong panahon ng krisis at pandemya, ang daming bagay na maaaring nai-ba sa pagnenegosyo kaya kailangang mag-level up sa pamamagitan ng pag-aaral. Ako mismo ay nagkaroon ng certiofication sa content marketing nitong nakaraang ilang buwan sa loob ng ECQ. Gayundin ang mga tauhan o kasamahan ko sa negosyo.‘Di ka aangat at titibay kung kulang ang kaalaman mo. Knowledge is power. Tandaan mo iyan.

#6 Mahalaga ang kostumer

Sa lahat ng negosyo, ang kostumer mo ang pinaka-sentro ng lahat ng gagawin mo. Pagtuunan ng pansin ang lahat ng aspeto na  naaayon sa kagustuhan ng kostumer na pinagsisilbihan mo. Huwag kang hihinto sa pagka-kaalam ng mga ito dahil dito nakasalalay  ang kinabukasan ng negosyo mo.

Konklusyon

Ang pagnenegosyo ay magkahalong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito. Sa pagkakataong ito, may inaalagaan kang mga tauhan na sana ay maging matagumpay rin silang kasama mo. Bukod dito, nasa sentro ang lahat mg kostumer mo. Alamin ang gusto nila at pagsilbihan sila.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag-tagumpay, ka-negosyo!



Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.

Comments are closed.