SI WILLY ay ipinanganak sa Pinamalayan, Occidental Mindoro. Pumunta siya sa Maynila para sana mag-aral sa Philippine School of Business Administration. Subalit dahil sa kakulangan sa pera, hindi siya nakapagtapos.
Napilitan siyang mamasukan bilang houseboy sa isang taong may-ari ng isang negosyong printing press (limbagan) noong 1975. Pagkatapos ng gawaing bahay, inuutusan siya ng amo na tumulong sa negosyo – magpatong-patong ng mga papel at resibo, mag-staple nito, maglinis, atbp. Makalipas ang isang buwan, na-promote siya bilang regular na empleyado ng negosyo. Dahil sa kanyang sipag at tiyaga, ginawa siyang manager ng negosyo at tumaas ang kanyang suweldo. Mula noon, nag-ipon siya ng pera. Inalam niya ang negosyo hanggang sa nakasanayan niya ang lahat ng detalye ng pagpapatakbo ng negosyong printing press. Napakadali lang palang gawin iyon.
Noong 2008, nabagot si Willy sa pagtatrabaho bilang empleyado lamang. Nangarap siyang magtatayo ng sarili niyang negosyong limbagan. Humingi siya ng gabay mula sa Panginoon. May naiipon siyang P75,000. Naghanap siya ng lugar kung saan maaaring magtayo ng kanyang negosyo. Nakahanap siya ng magandang lugar sa Project 4, Quezon City. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil sa napakaganda ng kanyang lugar at nagkaroon na siya ng sarili niyang negosyo. Wala na siyang among tao. Ang Diyos na lamang ang kanyang amo.
Maraming hamon ang hinaharap niya – ang malaking buwis na dapat bayaran sa BIR at ang ilang mga balasubas na customer na ayaw magbayad nang tama kahit na mayroon silang kontrata. Siya ang umaako ng lahat ng trabaho. Napagtanto niyang kulang pa siya sa kasanayan. Kaya umattend siya sa isang Printing Press Training mula sa Don Bosco. Iisa lamang ang kanyang makina. Napilitan siyang makipag-partner sa kapatid niya para lumaki ang capital niya.
Sa pagpapala ng Panginoon, nakabili siya ng isang modernong makinang galing sa Britanya. Bibliya ang gabay niya para sa pagpapasiya sa negosyo at sa pagharap sa mga masusungit na kliyente. Ang turo ng 1 Tesalonica 4:11, “Gawin ninyong ambisyon ang mamuhay nang tahimik, makialam sa sarili niyong negosyo, at magtrabaho nang buong sipag sa pamamagitan ng inyong mga kamay.” Lagi niyang iniisip na dahil ang Diyos ang kasama niya sa negosyo, hinding-hindi siya susuko anuman ang hirap na danasin niya.
Ang negosyo niya ay tuloy-tuloy na nagbibigay ng suporta sa mga misyon at pagtatayo ng mga simbahan. Nagbibigay siya ng libreng serbisyo sa mga simbahan. Nagdo-donate siya ng mga papel. Tapat siyang nagbibigay ng ikapu at mga handog sa simbahan, kaya lalo namang pinagpapala ng Diyos ang kanyang negosyo. Para sa kanya, ang sikreto ng tagumpay sa negosyo ay ang pagiging tapat, pagtitiyaga, pagsunod sa mga utos ng Diyos, at ang pagbibigay ng ikapu.
Ang pangarap niya ay maging globally competitive ang kanyang negosyo. Gusto niyang makasabay sa pag-angat ng teknolohiya sa kanyang larangan. Inuudyok niya ang mga anak niyang magtrabaho rin sa kanyang negosyo. Ang pilosopiya niya ay ang isang nabasa niya noong araw, “Ang sining ng paglilimbag ay mabuting kasangkapan para sa progreso ng sangkatauhan.”
Lagi niyang binabalik-tanaw ang karanasan niyang naging houseboy noon, ang naging katulong sa printing press ng dati niyang amo, at pagkatapos ay naging manager. Malaki rin ang pasasalamat niya sa training na ibinigay ng Don Bosco.
Para magtagumpay sa negosyong printing press, dapat ay maging dalubhasa sa pagpapatakbo ng mga makina, maging hands-on sa trabaho, at laging maging layon ang maabot ang mataas na kalidad ng serbisyo. Kailangan ng disiplina sa kaperahan. Sa kabila ng kahirapan sa ekonomiya, ayaw niyang mangutang at hindi niya ginagasta ang puhunang pinaiikot-ikot sa negosyo. Para makaakit ng customer, namimigay siya ng mga fliers at calling cards. Dapat mag-aral ng computer. Dapat ding sumabay sa pagbili ng mga makabagong modelo ng makina. Binibigyan niya ng minimum wage ang kanyang mga manggagawa. Kapag may problema sa negosyo, humihingi siya ng payo mula sa ibang may-ari ng printing press.
Napagtapos niya sa kolehiyo ang dalawa niyang anak. Nagpapadala siya ng tulong na pera sa kanyang mga kamag-anak na kapus-palad sa Mindoro. Nagbibigay siya sa gawain ng simbahan. Isa siyang “Mamimigay ng Kaharian ng Diyos.” Regular siyang uma-attend ng simbahan at lider siya ng isang cell group.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.