PAANONG NAKAALPAS SA KAHIRAPAN ANG ISANG DATING PALABOY

Heto Yumayaman

“ANG pagpapala ni Yahweh ay kayamanan, na walang kasamang kabalisahan.” (Kawikaan 10:22)

May nakilala akong isang batang-kalsada, si Ferdie.  Ang pamilya niya ay galing sa Negros.  Dating sakada ang kanyang ama, subalit nang bumagsak ang industriya ng asukal noong panahon ni Presidente Cory Aquino, nawalan ng trabaho ang kanyang ama.  Labindalawa silang magkakapatid at dahil wala nang pagkakakitaan ang ama, nagkagutom-gutom sila.  Ang masama nito, ang kanyang ina na laging nag-aalaga ng bagong-silang na bata ay tinamaan ng sakit na tuberculosis.  Dahil nakakahawa ang sakit na ito, ipinaalaga ang sanggol sa mga nakatatandang kapatid; pinaiinom ng am para mabuhay ang bata.  Solong nakatira sa kuwarto ang ina at inaalagaan at pinakakain ng ama.  Kapag binubuksan ang pinto ng kuwarto, sumisilip si Ferdie at nakita niya ang matinding paghihirap ng ina.  Lagi itong umuubo at sumusuka ng dugo.  Isang araw, nakita nilang nakalaylay na ang mga kamay nito dahil nalagutan na ng hininga.

Dahil wala nang mapagkitaang pera sa probinsya, nagpasiya ang ama na lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran doon; dala-dala si Ferdie at ang isang kuya niya.  Nanirahan sila bilang mga iskwater sa Barangay Arokoy, Quezon City.  Nagreklamo si Ferdie sa tatay na ang tirahan nila ay kulungan ng baboy na abadonado.  Marumi ito at nasa tabi ng mabahong sapa.  Sinubukan ng amang magnegosyo ng pananahi; subalit wala nang customer na nagpapatahi dahil puro RTW (Ready to Wear) na ang mga damit ng tao sa Maynila.  Wala nang nagpapasadya.  Makalipas ang isang taon, sinabi ng ama na mas mahirap pala ang buhay sa Maynila dahil ang taas ng mga bilihin at walang lugar na mapagtatamnan ng gulay.

Nagpasiya ang ama na bumalik na lang sa probinsya dahil doon ay puwede silang mabuhay sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay.   Subalit ayaw na ni Ferdie bumalik ng Negros; sinabi niya na makikitira na lang siya sa kanyang kuya sa Maynila.

Naging car wash boy o bantay ng kotse si Ferdie para kumita ng barya-barya.  Ang inuuwian niya ay ang barong-barong na tirahan ng kanyang kuya.  Ang masama, napabarkada sa mga drug addict ang kuya niya.  Isang araw, pag-uwi ni Ferdie, wala na ang kuya niya at hindi na nakita pa.  Baka tumakas ito o kaya ay nahuli ng mga pulis dahil sa pagtutulak ng droga.  Nag-iisa na lang sa buhay si Ferdie.  Para mabuhay, naisipan niyang makitulog sa mga nakaparadang jeepney o kaya ay sa bangketa.  ‘Pag nagtakip-silim na at sarado na ang mga tindahan sa talipapa, palihim na nagbubukas si Ferdie ng ilang tindahan para kumupit ng makakain. Hindi na siya nakapagtapos ng pag-aaral.  Umabot lang siya ng first year high school.  Lagi siyang nagpupunta sa istasyon ng TV Channel 9 para mag-car wash  boy.  May isang manager ng istasyon na naawa sa kanya at kinuha siyang houseboy.

Panandaliang nagkaroon siya ng tirahan at makakain, subalit napaka-istrikto ng amo – ayaw siyang palabasin ng bahay.  Inip na inip si Ferdie, kaya naisipan niyang lumayas.  Hinanap niya ang kuya niya sa Tondo, subalit hindi natagpuan doon.  Nang pauwi na siya, awang-awa siya sa kanyang sarili.  ‘Pag nakakakita siya ng masayang pamilya na nakasakay sa kotse, galit na galit siya dahil sa inggit.  Tinatanong niya, “Bakit masaya sila?  Bakit hindi ako puwedeng magkaroon ng ganyang masayang pamilya?”

Pagdaan niya sa tulay ng Magallanes, at nakita niya ang mga mabibilis na sasakyan sa ilalim, natutukso siyang magpatihulog at magpakamatay.  Kinalaban niya ang tukso.  Nakabalik siya sa lugar ng Old Balara, Quezon City, naupo sa bangketa at umiyak dahil sa kawalan ng pag-asa.

May isang mahiwagang lalaking nakakita sa kanya at tinanong siya, “Bakit ka umiiyak?”  Sumagot si Ferdie, “Kasi po walang nagmamahal sa akin.”  Sinabi ng mahiwagang lalaki, “May nagmamahal sa iyo – si Jesus.  Pumunta ka roon sa gilid, manalangin ka, at tanggapin mo si Jesus sa buhay mo.”  Ganoon nga ang ginawa ni Ferdie.  Hiniling niya sa Panginoong Jesus na pumasok sa kanyang buhay.  Nagkaroon si Ferdie ng ‘di maipaliwanag na kapayapaan.  Sa paglalakad niya, nakita niya ang karatula ng “Old Balara Christian Community Church.”  Pumunta siya roon at kinausap ang bantay kung puwede siyang makitira muna roon.  Pumayag naman ang bantay.  Naging janitor si Ferdie ng simbahan.  ‘Di nagtagal ay naging miyembro siya ng samahan at marami siyang natutunan sa mga pangangaral.  Ito iyong panahong nakilala ko si Ferdie.

Nagbigay ako ng libreng seminar sa pagnenegosyo at sumama si Ferdie.  Noong una, naging salesman muna siya ng produktong educational modeling clay.  Sa kapapanood niya kung paanong ginagawa ito, natuto siyang gumawa rin.  Nang magsara ang negosyong iyon, naisipan ni Ferdie na magtayo ng ganoong negosyo.  Napangasawa niya ang isang magandang miyembro ng simbahan na nagtapos ng kolehiyo.  Ang panganay niyang anak ay si Vivien.  Pinarehistro niya ang negosyo sa pangalang JFLV Enterprises (JFLV = Jesus, Ferdie, Liza, Vivien).

Tinulungan siya ng kanyang matalinong asawa na i-modernize ang kanyang negosyo.  Nag-arkila siya ng mga kabataan para maging demonstrator at salesmen niya.  Halos lahat ng mga pre-school sa buong Quezon City ay naging customers niya.  Ibinibigay niya ang ikapu ng kanyang kita sa simbahan at lalong pinagpala ng Diyos ang kanyang negosyo.  Nakakuha siya ng bahay at lupa sa Montalban at nakabili ng dalawang sasakyan – isang delivery vehicle at isang family car.  Napakabuti ng Panginoon.

vvv

(Maaari niyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)

One thought on “PAANONG NAKAALPAS SA KAHIRAPAN ANG ISANG DATING PALABOY”

Comments are closed.