PAANONG YUMAMAN ANG ISANG TAGA-PROBINSIYA

rene resurrection

SI LANDO ay taga-Cagayan de Oro CDO) City. Dahil sa hirap ng buhay, nakipagsapalaran siya sa Maynila. Tumira siya sa Pasay City. Pumasok siya sa isang paaralang pinangangasiwaan ng isang simbahang Kristiyano. Sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) na bigay ng simbahan, nagkaroon siya ng high school diploma. Tinanggap din niya si Cristo bilang kanyang Panginoon at Taga­pagligtas.

Sa udyok ng kanyang simbahan, nag-aral siya ng vocational course at nagkaroon siya ng degree in Computer Programming.  Tinapos niya ang second year college education na Hotel and Restaurant Ma­nagement (HRM). Nagtrabaho muna siya bilang canteen cook. Pagkatapos ay naging ma­nager siya ng isang resto bar at on-call caterer. Naging stay-in cook siya ng isang Christian student organization na madalas mayroong mga malakihang pagpupulong at mga conference.  Na­ging isa rin siyang assistant cook sa isang first-class restaurant. Doon siya natutong magluto ng iba’t ibang masasarap na pagkaing pangmayaman.

Plinano sana niyang magtrabaho sa ibang bansa; subalit sa kasawiang-palad, itinakbo ng illegal recruiter ang lahat ng kanyang pera. Kaya tuloy, negosyo na lang ang naisip niyang tanging paraan para magkaroon ng matatag na pagkakakitaan. Marami nga ang mga kompanyang naghahanap ng mahuhusay na empleyado, subalit alam niyang mahirap maki­pagkompetensiya para sa anumang posisyon na may kaugnayan sa kanyang ka­rasanan sa trabaho.

Nagsimula si Lando ng maliit na restaurant noong 2014 sa Pasay City. Ang restaurant niya ay 24-hours na kainan na naghahandog ng agahan, pananghalian, hapunan at snacks.  Sinamahan pa niya ito ng catering services. Mayroon siyang ka-partner na siyang kapita­lista ng negosyo.

Sa ngayon, mayroon na siyang anim na empleyado – ang apat ay naglilingkod sa kanya mula 7 am hanggang 4 pm; at pinapalitan ang mga ito ng dalawang empleyado mula 6 pm hanggang hatinggabi. Si Lando ang punong cook, ang marketing manager at siya rin ang namamahala sa restaurant mula ha­tinggabi hanggang madaling araw. ‘Di matatawaran ang sipag ni Lando.

Ngayong may ne­gosyo na siya, nakapagpapadala na siya ng pera sa kanyang pamilya sa CDO.  Nakapagbibigay siya ng tulong sa ibang taong ­nangangailangan.

Ginawa niya ang Diyos na ka-partner ng kanyang negosyo. Siya ang kanyang lakas, bantay at inspirasyon.  Nagbabasa siya ng Biblia araw-araw para angkinin ang mga pangako ng Dios.  “Kaya kong gawin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng lakas na galing kay Cristo.” “Anuman ang iyong gawin, gawin mo ng buong puso alang-alang sa Diyos at hindi sa tao.”  Ito ang mga gabay niya sa pagnene­gosyo. Disiplina, panalangin at lubos na tiwala sa Diyos ang mga prinsipyong ginagamit niya.

Naniniwala si Lando na ang negosyo ay dapat nagpapala sa simbahan at sa mga manggagawa ng Diyos.  Nangungusap ang Diyos sa kanya, “Hanapin mo muna ang Kaharian ng Diyos at ang lahat ng kailangan mo ay idadagdag Niya sa iyo.”  Na­ging mapagbigay si Lando ng tulong sa simbahan at sa ibang mga taong nanga­ngailangan. Mula nang tanggapin niya si Cristo sa buhay niya, ito na ang si­mula ng pagdaloy ng pagpapala sa kanyang buhay.

Ipinapanalangin niya ang paglaki ng negosyo niya.  Kailangan na niya ng mas malaking lugar para magkasya ang mas mara­ming mga customer.  Gusto rin niyang magtayo ng ibang sangay ng kanyang negosyo sa iba’t ibang dako sa Metro Manila.

Tandaan: sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.