INAMIN ni AFP-Southern Luzon Commander, Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., spokesman ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) na karamihan sa mga paaralang nagagamit ng mga komunistang New People’s Army (NPA) ay mga Lumad school o paaralan para sa indigenous people.
Sinabi ng heneral na ang mga paaralan ang nagiging tulay ng komunista para makapag-recruit ng mga kabataan na sumapi sa kanila.
Ayon sa heneral kalat sa bansa ang mga paaralang ito na nasa liblib at mahihirap na lugar subalit hindi basta agad natutukoy dahil sa maganda ang ibinabandong mission at vision ng paaralan.
Puntirya ng mga NPA na i-recruit ang mga kabataan para mapalawak ang kanilang organisasyon.
Karamihan sa mga paaralang haven ng NPA recruitment ay nasa Mindanao gaya sa Surigao at Davao provinces na tinawag na Lumad school habang mayroon din sa Cordillera.
“Posibleng marami pang paaralan, hindi lang nakikita, marami sila, all over the country,” ayon pa kay Parlade.
Nanawagan naman si Parlade sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak para hindi malinlang ng mga rebelde na sumapi sa kanila. EUNICE CELARIO
Comments are closed.