PAARALANG TINULUYAN NG BAKWIT ISASARA SA LINGGO

Itogon Mayor Victorio Palangdan

BENGUET – UPANG hindi maantala ang pag-aaral ng mga estudyante, nagpasya si Itogon Mayor Victorio Palangdan na isara sa Linggo ang mga paaralang nagsilbing evacuation center sa kaniyang nasasakupan.

Ginawa ng alkalde ang hakbang upang mapapayag na ang 418 pamilya na lumikas na sa lugar upang hindi na madisgrasya ng mga pagguho.

Sa nasabing bilang, 18 pamilya lamang ang lu­magda na pansamantala munang humanap ng masisilungan upang bigyan daan naman ang mag-aaral.

Kasabay nito ay nanawagan din ang alkalde na iwasan na ang sisihan sa nangyari at ang matitiyak niya ay nagpatupad siya ng preventive evacuation bago pa dumating ang bagyong Ompong.

Hindi lang inasahan na ang pinagsilungan ng mga biktima  na abandoned mining facility na ginawang chapel ay mapapabilang sa pagguho.

“Nakiusap ang mga residente na babalik na sila dahil wala nang bagyo at sa Linggo ay iko-close na ang itong eskuwelahan kasi may pasok na,” ayon pa sa alkalde.

Nanawagan naman si Palangdan sa mining corporation na nagmamay-ari ng chapel na dating bunkhouse na tulungan sila na makapag­hanap ng relocation site at maging ang burial areas.

Aniya, nananatili ang search and rescue operations dahil naniniwala silang may makukuha pang buhay sa mga biktima.

Sa anim na araw na operasyon, 23 na ang nakuhang bangkay habang 47 pa ang nawawala sa pagguho sa Barangay Ucab. EUNICE C.

Comments are closed.