PABAHAY PARA SA MGA MAHIHIRAP SA TAYTAY

RIZAL- IKINASA na ng mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Taytay at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang isang kasunduan kaugnay sa housing project sa ilalim ng programa ni Pangulong Bongbong Marcos.

Nilagdaan na nina Taytay Mayor Allan De Leon at Secretary Jose “Jerry” Acuzar ng DHSUD ang Memorandum of Understanding (MOU) na naglalayong mapagkalooban ng murang pabahay ang mga Taytayeño.

Isinagawa ang nasabing kasunduan sa isang simpleng seremonya kung saan kasama ni Mayor de Leon sina Konsehala Elaine “Boknay” Leonardo, Konsehal JV Cabitac at iba pang kinatawan ng pamahalaang bayan.

Batay sa naturang MOU, ang DHSUD ay magtatayo ng housing project sa bayan ng Taytay sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay sa Pamilyang Pilipino ni Pangulong Marcos.

Maglalaan naman ang lokal na pamahalaan ng Taytay ng lupa na pagtatayuan ng high-rise socialized housing project na inaasahan na ang unang makikinabang ay ang mga mahihirap na residente ng Taytay.

Layon ng Pambansang Pabahay sa Pamilyang Pilipino housing project ni Pangulong Marcos na makapagtayo ng 1 milyong pabahay sa loob ng isang taon o 6 na milyong pabahay sa buong bansa sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028. ELMA MORALES