PABAHAY SA INFORMAL SETTLERS

PRAYORIDAD ng pamahalaang lokal ng Marikina na isama sa informal settler families ang mga pulis, guro at iba pang middle class families na makikinabang sa itatayong high-rise socialized housing project o condominium na matatagpuan sa Barangay Nangka.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, hindi lahat ng guro at pulis ay may sariling bahay, marami rin umano ang nangungupahan pa o nakikitira sa mga pamilya.

Kaya sa planong pabahay ng Marikina LGU, nais na isama ang mga middle class na pamilya na magkaroon ng sariling bahay na kung saan ay magiging komportable na sila sa sariling tahanan at kaya nilang hulugan ng buwanang upa na kalaunan ay magiging kanila na.

Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng seven-hectare lot high-rise condominiums sa susunod na taon na matatagpuan sa Barangay Nangka, Marikina City.

Maganda ang lugar at kombinyente sa mga titira dahil kalapit ito ng Twinville Subdivision at Fairlane Subdivision na tinitiyak na maayos, ligtas at tahimik ang lugar.

Nilinaw ni Teodoro na ika-categorized nila ang mga informal settler na may regular na trabaho at sa mga may pansamantalang trabaho na pamilya na maaaring mabenepisyuhan ng pabahay. ELMA MORALES