PABAHAY SA MGA BAGONG BAYANI ITINUTULAK NI BBM

“PARA ano pa at tinawag silang bagong bayani, kung wala silang matutuluyan?”

Ito ang pahayag ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr sa eksklusibong roundtable interview ng ALC Media Group sa Makati City na pinangunahan ng chairman nitong si D. Edgard Cabangon.

Ayon kay BBM, may limang milyong kakulangan sa pabahay sa Pilipinas at hindi ito nabibigyan ng pondo o hindi nagiging priority ng gobyerno.

Plano ni BBM na buhayin ang BLISS, na kilalang proyekto ng kanyang ina upang mabawasan ang kakulangan ng bahay ng maraming Pilipino at ng mga OFW.

Sinabi pa nito na dapat bigyan ng pagkilala ang mga OFW dahil sila ang isa sa may malaking ambag sa ekonomiya.

Lumago ng 5.3 porsiyento sa 11 buwan ang personal remittances noong 2021.

Batay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang remittances ng mga manggagawa abroad mula Enero hanggang Nobyembre 2021 ay umaabot sa $31.59 bilyon mula sa $29.99 bilyon sa kaparehong panahon noong 2020.

Tinatayang 700,000 Filipino workers ang napauwi sa bansa dahil sa epekto ng pandemya.
Ang nakikitang solusyon dito ni BBM ay bigyan ng trabaho, ngunit dapat munang magkaroon ng retraining sa kanilang hanay. SCA