MARAMI ang nagtatanong kung nasaan daw ngayon si Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Sila ‘yung mga taong nagtatanong na tila hindi active sa social media at wala sa mga lugar na pinupuntahan ni VP Sara.
Bising-bisi kasi ngayon si Inday Sara sa iba’t ibang aktibidad. Napagkakamalan tuloy siyang suplada kasi nga, madalas ay tutok siya sa trabaho.
Kaliwa’t kanan ang ginagawa niyang pagtulong sa mga nangangailangan.
Nariyan din ang suporta niya sa pagpapalawak ng mga programang pabahay para sa ating mga guro. Sa ganitong paraan, ayon kay VP Sara, ay mas maraming guro ang makikinabang sa mga pabahay program.
Dumalo naman ang pangalawang pangulo kamakailan sa groundbreaking ceremony ng 12-storey residential building project ng Quezon City LGU para sa mga guro sa lungsod na naturan.
Kung hindi ako nagkakamali, may papel din dito ang Department of Education (DepEd).
Balita ko, tumulong ang DepEd sa QC LGU para matukoy ang mga teacher-beneficiary sa kanilang proyekto.
Good job po, VP Sara at QC LGU!
Samantala, tulad ni Inday Sara, aba’y abalang-abala rin si Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa kanyang distrito. Hindi pinababayaan ni Cong. Pulong ang kanyang constituents.
Namahagi pala siya ng tulong sa tinatayang 36,000 beneficiaries mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga medical frontliner, displace workers, at mga biktima ng kalamidad. Tuloy-tuloy pa rin daw hanggang ngayon ang pagtulong niya sa mga ito.
Ilang buwan pa lang siya sa kanyang puwesto ay umuulan na ng proyekto. Nasa 37 infrastructure projects na pala ang nasimulan ni Pulong sa Davao.
Nangunguna raw pala rito ang konstruksiyon ng fire stations, multi-purpose buildings, ilang sistema upang makaiwas sa coastal erosion, roads, evacuation centers, at water o drainage systems. Sinasabing mula Oktubre 2022 hanggang Marso ng taong kasalukuyan, aba’y nasa 39 na panukalang batas na rin ang naihain ni Pulong.
Kasama sa mga bill ng kongresista ay ang SIM Card Registration Act na naisabatas na at ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Nakikinabang na rin ngayon ang senior citizens at persons with disabilities sa Duterte-authored bill tulad ng buwanang subsidies, proteksiyon laban sa karahasan at pang-aabuso, at marami pang iba.
Ganyan ang magkapatid na Duterte, mana sa kanilang amang si dating Pangulong Digong.
‘Yan ang Tatak Duterte!