APRUB na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na ibigay sa mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal ang may 5,448 housing units na para sa mga pulis at kawal sa Region IV (Calabarzon).
“The President approved the request of the Department of Human Settlement and Urban Development to offer these housing units as a grant to the displaced families instead and commended such act of generosity” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Sa presentasyon ni DHSUD Secretary Eduardo del Rosario, sinabi nitong mas makabubuting unahin muna ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa pagputok ng Bulkang Taal bagay na sinang-ayunan ng Chief Executive.
Tinatayang nasa 5,000 hanggang 6,000 pamilya na naninirahan sa 7 kilometer radius ang nawalan ng tahanan.
Una nang nangako ang Pangulong Duterte sa mga nabiktima ng Bulkang Taal na aayudahan sila ng pamahalaan.
Sa pagbaba ng alert status ng bulkan mula alert level 4 ay libo-libong pamilya na naninirahan sa 14-kilometer danger zone ang nagbalikan sa kanilang mga tahanan maliban sa nasasakupan ng 7-kilometer danger zone. EVELYN QUIROZ