HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang mga magulang na huwag mag-atubiling pabakunahan ang kani-kanilang mga anak kontra tigdas at dalhin sa pinakamalalapit na health center.
Sinabi ni Angara na bakuna pa rin ang pinakamabisang kalasag ng isang tao lalo na ng mga bata laban sa mga karamdamang tulad ng tigdas at sa mga komplikasyong dulot nito.
Sa kasalukuyan, ayon sa DOH, pumapangalawa ang Pampanga sa mga bayan sa Central Luzon na may pinakamataas na bilang ng mga batang apektado ng tigdas sa 136, kasunod ng Bulacan na may 144 cases. Ang iba pang lalawigan na masusing mino-monitor ngayon ng ahensiya ay ang Tarlac na may 89 cases, Bataan, 27; Zambales, 23; at Nueva Ecija na may 18 kaso ng tigdas.
Ayon kay Angara, isa sa mga awtor ng Universal Healthcare Bill na naglalayong gawing all-inclusive ang health coverage sa lahat ng Filipino, ang bakuna kontra tigdas ay libre lamang na ibinibigay sa mga health center lalo na sa mga rural health clinic sa iba’t ibang sulok ng bansa.
“Nananawagan tayo sa mga magulang na pabakunahan ang kani-kanilang mga anak laban sa tigdas. Kung hindi po natin ito pahahalagahan, tiyak na mas malaking problema po ang kahaharapin natin at ang mga anak natin ang magdurusa. Kapag po lumala ang tigdas, maaari itong magkaroon ng komplikasyon sa baga at sa utak na maaari nilang ikasawi,” anang senador.
Kamakailan, nagdeklara ang DOH ng measles outbreak sa Gitnang Luzon, matapos lumabas sa kanilang pag-aaral na umaabot na sa 437 ang bilang ng mga apektado ng tigdas. Anim na ang namamatay sa nasabing rehiyon mula Enero 1 hanggng nitong Pebrero 7 kumpara sa 32 cases lamang ng karamdamang ito sa katulad na buwan noong 2018.
Sa kasalukuyan, ayon pa rin sa DOH, umaabot na sa mahigit 4,000 katao ang may tigdas at karamihan sa mga ito ay mga bata.
Ang bakuna kontra tigdas ay kabilang sa combination vaccine na tinaguriang MMR (measels, mumps and rubella).
Ang mga sanggol na may gulang na 6-11 buwan ay maaari nang mabakunahan sa unang pagkakataon at ang ikalawang bakuna, sa gulang na isa hanggang dalawa. VICKY CERVALES
Comments are closed.