PABLO PVLPC PLAYER OF THE WEEK

Standings W L
Creamline 4 0
PetroGazz 5 1
Cignal 4 1
Chery Tiggo 4 2
PLDT 3 2
Akari 3 3
Choco Mucho 3 3
ZUS Coffee 2 3
Farm Fresh 2 3
Capital1 1 4
Galeries Tower 1 5
Nxled 0 5

Mga laro sa Jan. 18
(Philsports Arena)
1:30 p.m. – Farm Fresh vs Nxled
4 p.m. – ZUS Coffee vs Choco Mucho
6:30 p.m. – Akari vs PLDT

BALIK si Myla Pablo sa first six ng PetroGazz at gumanap ng krusyal na papel sa malakas na simula ng Angels sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Si Pablo ay starter laban sa Farm Fresh noong November 23 makaraang hindi maglaro si Jonah Sabete dahil sa strained left calf at agad na gumawa ng impact para sa PetroGazz na galing sa straight-set loss sa defending champion Creamline.

Sinamantala ng two-time PVL MVP ang pagkakataon na i-reestablish ang kanyang sarili sa rotation ni coach Koji Tsuzurabara, nagpamalas ng sunod-sunod na standout performances sa kanilang sumunod na tatlong panalo, kabilang ang convincing wins kontra PLDT at Cignal, upang tapusin ang taon sa four-game winning streak.

Nagbuhos si Pablo ng 19 points sa 17 attacks at 2 blocks upang pangunahan ang 12-25, 25-14, 25-22, 25-20 panalo ng Angels kontra High Speed Hitters noong nakaraang Martes.

Pagkatapos ay sinundan ito ng dating National University star ng 15-point output noong Sabado upang tumulong sa pagpapalasap sa HD Spikers ng unang kabiguan nito via 25-19, 25-21, 25-18 decision.

Nasa 13th place ngayon sa top scorers ng liga, dinala ni Pablo ang Angels sa 5-1 kartada papasok sa month-long holiday break.

Ibinunyag ng 31-year-old outside hitter mula sa Tarlac na nakuha niya ang kanyang kumpiyansa mula sa kanyang teammates at coaches na labis na nagtitiwala sa kanya.

“Kinuha ko ‘yung kumpyansa ko sa sarili ko and also sa teammates and coaches (ko). Kumbaga, kung ano ‘yung binigay sa akin na role sa team, kailangan magtrabaho ako kasi syempre minsan lang ako bigyan ng chance to play, ba’t ‘di ko pa gagawin ‘yung best ko,” sabi ni Pablo.

“Siyempre nandoon din talaga ‘yung mga sumusuporta sa amin, lalo na ‘yung mga Petro Gazz fans and sa mga nagtitiwala sa akin. Malaking bagay talaga sa akin ‘yun para ma-boost ‘yung confidence ko,” dagdag pa niya.

Sa nakuhang kumpiyansa, si Pablo ay determinadong mapanatili ang kanyang momentum sa pagpapatuloy ng PVL upang suklian ang tiwalang ibinigay ng kanyang teammates, coaches, at ng pamunuan ng PetroGazz.

“This 2024, siguro nakuha ko na ‘yung confidence ko sa sarili ko. Kumbaga, ‘yun ‘yung hinahanap ko kaya nga sabi ko sa mga setters ko na bigyan ninyo lang ako ng kumpyansa sa loob ng court, aatakihin ko, papatayin ko kahit nag-a-adjust ako,” sabi ni Pablo.

“Sabi ko nga kung ‘di ako nagamit nung (last) two conferences, kailangan makabawi ako this All-Filipino for the management na rin and sa mga taong sumusuporta sa akin and also (para kay) coach Koji (Tsuzurabara) na rin.”
si Pablo, ang second best scorer ng koponan sa likod ni Brooke Van Sickle, ay determinadong maipagpatuloy ang kanyang pagbangon sa pagbabalik-aksiyon ng Angels sa January 21 kontra Chery Tiggo.

“Sana makuha namin ‘yung goal namin sa team siyempre ilang taon na magkakasama ‘yun naman talaga ‘yung goal namin,” dagdag pa ni Pablo.