MARAMI na ang nakapapansin na palaging isinasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Nang maglambing kay Pangulong Duterte ang bunsong anak na si Kitty na mag-Hong Kong sila para i-celebrate ang birthday ng kanyang nanay na si Honeylet Avanceña, nangunguna si Cong. Velasco sa kinaray ni Pangulong Duterte sa pribadong lakad ng pamilya.
May balitang nagkaroon ng isang masinsinang pag-uusap sa Asian City sina Duterte at Velasco na dalawa lang sila tungkol sa pagpapalit ng liderato sa susunod na Kongreso.
Bago ito, maraming opisyal na presidential trip na hindi nawala sa listahan ng entourage si Velasco at may pagkakataon na sa Palasyo pa siya nagdiwang ng kanyang birthday para diretso na galing trabaho si Pangulong Duterte.
Maugong na ngayon pa lang na si Velasco ang magiging susunod na House Speaker sa 18thCongress.
Isang malaking indikasyon din sa napipintong pag-upo ni Velasco bilang Speaker ang madalas nilang pagsasama ni Davao City Mayor Sara Duterte sa mga Hugpong ng Pagbabago (HNP) caravan upang ikampanya ang senatorial bets ng HNP.
Nito lang huli, nagmotorsiklo nang sabay sina Mayor Sara at Cong. Velasco sa kahabaan ng North Luzon upang ikampanya sa mga taga-Norte ang HNP senatorial candidates.
Bilib na bilib si Sara sa pagiging loyal ni Lord at sa puspusang pagtulong ng mambabatas sa pagsusulong ng mga agenda ng administrasyon para sa bansa at mga mamamayang Filipino.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, si Mayor Sara Duterte mismo ang diretsong naglahad sa publiko na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang susunod na magiging House Speaker.
“Siya po ang susunod sa Speaker of the House of Representatives, na si Congressman Lord Allan Velasco. That will soon be the pride of Marinduque to be the first Speaker na galing sa inyo dito sa Marinduque,” ani Mayor Sara.
Nangyari ito nang maging guest of honor si Sara sa Boac, Marinduque kung saan nagkaroon ng pormal na alyansa ang HNP at ang Kapatirang Marinduque ni Velasco.
May sey si Sara kay Pangulong Duterte. Nang sabihin niya dati na kailangan nang mawala sa poder si ex-House Speaker Bebot Alvarez, ganoon nga ang nangyari.